1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2 “Ganito ang sabihin ninyo sa bayang Israel: Sa mga hayop na lumalakad sa lupa, makakain ninyo
3 ang lahat ng hayop na biyak ang kuko at ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura.
4 Kaya ang kamelyo kahit na ngumunguya ito ngunit hindi biyak ang kuko ay di dapat kainin.
5 Ang dagang gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing mula sa sikmura ngunit hindi biyak ang kuko; hindi ito malinis, kaya di dapat kainin.
6 Ang kunehong gubat ay ngumunguya rin ng pagkaing galing sa sikmura ngunit hindi rin biyak ang kuko nito; hindi ito malinis.
7 Ang baboy, biyak nga ang kuko, ngunit hindi naman ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura, kaya hindi ito dapat kainin.
8 Huwag kayong kakain ng karne ni hihipo man ng bangkay ng mga hayop na ito; marurumi ito para sa inyo.
9 “Sa mga nilikhang nasa tubig, maging alat o tabang, ang maaari lamang ninyong kainin ay ang mga isdang may palikpik at kaliskis.
10 Ngunit ang isdang walang palikpik at kaliskis, malaki man o maliit, sa dagat o ilog ay marumi para sa inyo.
11 Huwag kayong kakain nito at iwasan ninyo ang mga patay nito.
12 Lahat ng nilikha sa tubig na walang palikpik at kaliskis ay huwag ninyong kainin.
13 “Tungkol naman sa mga ibon, ang mga ito ang huwag ninyong kakainin sapagkat marurumi: ang agila, ang buwitre at ang agilang-dagat;
14 ang lawin at ang limbas at mga kauri nito;
15 lahat ng uri ng uwak;
16 ang ostrits, panggabing lawin, lawing dagat at mga kauri nito;
17 lahat ng uri ng kuwago, ibong maninisid ng isda,
18 ang kuwagong parang may sungay, at ang pelicano;
19 ang lahat ng uri ng tagak, ang tariktik, paniki at kabag.
20 “Lahat ng kulisap na may pakpak at may apat na paa ay marurumi para sa inyo,
21 maliban sa mga kulisap na lumulundag,
22 tulad ng lahat ng balang na mahahaba ang ulo, balang na kulay berde at bawat balang sa ilang.
23 Ang lahat ng naglipanang lumilipad na may apat na paa ay ituturing ninyong marurumi.
24 “Ang sinumang humawak sa bangkay ng mga hayop na ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
25 Ang sinumang dumampot sa mga ito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw at dapat niyang labhan ang kanyang damit.
26 Bawat hayop na biyak ang kuko ngunit hindi ngumunguya ng pagkaing mula sa sikmura ay marumi nga at ituturing na marumi rin ang bawat humawak rito.
27 Ituturing ninyong marumi ang mga hayop na may apat na paa, ngunit ang kuko'y hindi sumasayad sa lupa kapag lumalakad. Ang sinumang humawak sa bangkay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
28 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang humawak nito at siya ay ituturing ninyong marumi hanggang sa paglubog ng araw.
29 “Sa mga hayop na naglipana sa lupa, ituturing ninyong marumi ang mga sumusunod: ang bubuwit, ang daga, at lahat ng uri ng bayawak;
30 ang tuko, ang buwaya, ang butiki, ang bubuli at ang hunyango.
31 Marurumi ang lahat ng ito at sinumang humawak sa alinmang patay nito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
32 Kung ang alinman sa mga ito ang mamatay at lumagpak sa damit, kagamitang kahoy, balat o anumang kagamitang pang-araw-araw, ituturing na marumi ang nilagpakan nito hanggang sa paglubog ng araw; kailangang ibabad sa tubig ang nasabing kagamitan.
33 Kung sa palayok ito mahulog, ituring ding marumi ang laman nito at dapat nang basagin ang palayok.
34 Anumang pagkaing may sabaw o inuming tubig na malagay dito ay ituturing na marumi.
35 Marumi nga ang anumang lagpakan ng ganitong uri ng patay na hayop. Kung mahulog sa kalan o palayok, dapat sirain ito; ituturing nang marumi iyon.
36 Ngunit ang batis o ipunan ng tubig na malagpakan nito ay mananatiling malinis; gayunman, ang humawak sa patay na hayop ay ituturing na marumi.
37 Kung ang patay na hayop ay lumagpak sa binhing pananim, ito'y mananatiling malinis,
38 ngunit kung ang binhi ay babad na sa tubig, magiging marumi na ito.
39 “Kung mamatay ang anumang hayop na maaaring kainin, ang sinumang humawak rito ay ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
40 Dapat labhan ang kasuotan ng sinumang kumain o bumuhat nito, at siya'y ituturing na marumi hanggang sa paglubog ng araw.
41 “Lahat ng maliliit na hayop na gumagapang sa lupa ay huwag ninyong kakainin sapagkat ito'y marurumi,
42 maging ito'y gumagapang sa lupa o naglalakad na may apat na paa o higit pa.
43 Huwag ninyong dudumhan ang inyong sarili sa pamamagitan ng pagkain ng alinman sa maruruming hayop na ito.
44 Panatilihin ninyong malinis ang inyong sarili, sapagkat akong si Yahweh na inyong Diyos ay banal.
45 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging Diyos ninyo. Dapat kayong maging banal sapagkat ako'y banal.”
46 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga hayop, sa mga ibon at sa mga nilikha sa tubig,
47 para malaman ninyo ang malinis o hindi, ang makakain at hindi makakain.