1 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo kay Aaron at sa kanyang mga anak na dapat nilang igalang ang mga bagay na inilaan sa akin ng mga Israelita upang hindi malapastangan ang aking pangalan. Ako si Yahweh.
3 Sabihin mong hindi na makakapaglingkod pang muli sa aking harapan ang sinuman sa kanyang lahi na lalapit doon nang marumi ayon sa tuntunin. May bisa ang tuntuning ito sa buong panahon ng inyong lahi. Ako si Yahweh.
4 “Ang sinuman sa angkan ni Aaron na may sakit sa balat na parang ketong o kaya'y may tulo ay hindi dapat kumain ng anumang bagay na banal hanggang hindi siya gumagaling. Sinumang makahawak ng bagay na naging marumi dahil sa bangkay, o dahil sa lalaking nilabasan ng sariling binhi,
5 sa mga hayop o taong itinuturing na marumi,
6 ay ituturing na marumi hanggang kinagabihan. Hindi siya makakakain ng pagkaing banal hanggang hindi siya nakakapaligo.
7 Paglubog ng araw, ituturing na siyang malinis, at makakakain na ng pagkaing banal na inilaan sa kanya.
8 Ang mga pari ay hindi rin maaaring kumain ng karne ng hayop na namatay o pinatay ng kapwa hayop sapagkat iyon ang makapagpaparumi sa kanila. Ako si Yahweh.
9 “Dapat sundin ng mga pari ang mga tuntuning ito; kung hindi, magkakasala sila at mamamatay. Ako si Yahweh; inilaan ko sila para sa akin.
10 “Hindi makakakain ng anumang bagay na banal ang hindi ninyo kalahi. Hindi maaaring kumain nito ang mga nanunuluyan sa pari o bayarang manggagawa.
11 Ngunit ang aliping binili niya, o ipinanganak sa kanyang tahanan ay maaaring kumain niyon.
12 Hindi rin maaaring kumain nito ang babaing anak ng pari kung nag-asawa siya ng hindi pari.
13 Ngunit kung siya'y mabalo o hiwalayan ng asawa nang walang anak at umuwi sa kanyang ama, makakakain na siya ng pagkain ng kanyang ama. Hindi dapat kumain ng pagkaing banal ang hindi kabilang sa pamilya ng pari.
14 “Kung ang sinumang hindi pari ay makakain nito nang di sinasadya, babayaran niya at may patong pang ikalimang parte ng halaga ng kanyang kinain.
15 Dapat ingatang mabuti ng mga pari ang mga banal na bagay na inihandog ng mga Israelita para kay Yahweh.
16 Huwag nila itong ipapakain sa mga hindi kabilang sa kanilang angkan sapagkat kapag kumain sila nito, sila'y lumalabag sa tuntunin, at pananagutan nila iyon. Ako si Yahweh. Ginawa kong sagrado ang mga iyon.”
17 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
18 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita: Kung may Israelita o dayuhang magdadala ng handog na susunugin bilang pagtupad sa panata o kusang-loob na handog,
19 ang dadalhin niya ay toro, lalaking tupa o kambing na walang kapintasan upang ito'y maging kalugud-lugod.
20 Huwag kayong maghahandog ng anumang bagay na may kapintasan, sapagkat hindi iyon kalugud-lugod.
21 Kailangan ding walang kapintasan ang baka, tupa o kambing na dadalhin bilang handog pangkapayapaan, ito man ay pagtupad sa panata o kusang-loob.
22 Huwag kayong magdadala sa altar ng baka, tupa o kambing na bulag, pilay, may galis at kati o may anumang kapansanan bilang handog na susunugin.
23 Ang alinmang toro o tupang tabingi ang katawan o bansot ay madadala bilang kusang-loob na handog ngunit hindi maihahandog bilang pagtupad sa panata.
24 Huwag kayong maghahandog ng hayop na kinapon o may kapansanan ang itlog. Hindi ito dapat pahintulutan sa inyong lupain.
25 “Huwag din kayong tatanggap mula sa mga dayuhan ng hayop upang ihandog kay Yahweh. Huwag ninyong tatanggapin ang mga iyon sapagkat ang mga ito'y may kapintasan.”
26 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises,
27 “Ang bisirong baka, tupa o kambing ay dapat manatili nang pitong araw sa piling ng inahin. Mula sa ikawalong araw, maaari na itong ialay kay Yahweh bilang handog na susunugin.
28 Huwag ninyong papatayin ang inahin sa araw na patayin ninyo ang bisiro.
29 Ang paghahain ng handog ng pasasalamat ay gawin ninyo ayon sa tuntunin upang kayo'y maging kalugud-lugod.
30 Kakainin ninyo ito sa araw ring iyon. Huwag kayong magtitira para sa kinabukasan. Ako si Yahweh.
31 “Sundin ninyong mabuti ang mga tuntuning ibinigay ko sa inyo. Ako si Yahweh.
32 Huwag ninyong lalapastanganin ang aking pangalan. Sa halip, ako'y inyong dakilain sapagkat ako si Yahweh. Inilaan ko kayo para sa akin.
33 Ako ang naglabas sa inyo sa Egipto upang maging inyong Diyos. Ako si Yahweh.”