1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo kay Aaron, sa kanyang mga anak, at sa lahat ng Israelita, ‘Ito ang iniuutos ko:
3 Ang sinumang Israelita na magpapatay ng toro, tupa o kambing sa loob o labas man ng kampo
4 nang hindi dinadala sa pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay nagkakasala dahil sa dugong pinadanak niya. Dapat siyang itiwalag sa sambayanan.
5 Ang layunin nito'y upang ihandog kay Yahweh ang mga hayop, sa halip na patayin sa parang. Dapat nilang dalhin iyon sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog kay Yahweh bilang handog pangkapayapaan.
6 Iwiwisik ng pari ang dugo nito sa altar sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang taba niyon ay susunugin at ang usok nito'y magiging mabangong samyo para kay Yahweh.
7 Sa gayon, hindi na nila iaalay ang mga hayop na ito sa demonyo na anyong kambing na kanilang sinasamba. Ito'y tuntuning susundin nila at ng kanilang lahi habang panahon.’
8 “Sabihin mo sa kanila na sinumang Israelita o dayuhang kasama nila ang magsunog ng handog,
9 na hindi dinadala sa may pintuan ng Toldang Tipanan upang ihandog sa akin, ay ititiwalag sa sambayanan.
10 “Ang sinumang kumain ng dugo ay kapopootan ko at ititiwalag ko sa sambayanan, maging Israelita o dayuhan man.
11 Sapagkat ang buhay ay nasa dugo at iniuutos ko na dapat ihandog iyon sa altar bilang pantubos sa inyong buhay.
12 Kaya nga, hindi ito dapat kainin ninuman, maging siya'y Israelita o dayuhan man.
13 “At kapag ang sinuman sa inyo, maging Israelita o dayuhan ay humuli ng hayop o ibong makakain, dapat niyang itapon ang dugo niyon at tabunan ng lupa.
14 Sapagkat ang buhay ng bawat hayop ay nasa dugo, kaya huwag kayong kakain ng dugo. Ang sinumang lumabag dito'y ititiwalag sa sambayanan.
15 “Sinumang kumain ng hayop na namatay sa peste o pinatay ng kapwa hayop ay dapat maglaba ng kasuotan at maligo. Hanggang gabi siyang ituturing na marumi.
16 Kung hindi niya gagawin iyon, siya'y mananagot.”