1 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog na pambayad sa kasalanan. Ito'y ganap na sagrado.
2 Ang handog na pambayad sa kasalanan ay papatayin sa lugar na pinagpapatayan ng mga handog na susunugin. Ang dugo nito'y ibubuhos sa paligid ng altar.
3 Ang lahat ng taba nito ay ibubukod at ihahandog—taba ng buntot, tabang bumabalot sa laman-loob,
4 ang dalawang bato at ang taba nito, ang taba ng balakang at ang taba na bumabalot sa atay.
5 Lahat ng ito'y dadalhin sa altar at susunugin ng pari bilang handog na pambayad sa kasalanan kay Yahweh.
6 Ang matitira ay maaaring kainin ng mga anak na lalaki na kabilang sa angkan ng pari. Ngunit ito'y kakainin sa isang sagradong lugar sapagkat ang pagkaing ito'y napakabanal.
7 “Iisa ang tuntunin sa handog na pambayad sa kasalanan at sa handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Ang kukuha ng handog na ito ay ang paring gumaganap sa paghahandog.
8 Ang balat ng handog na susunugin ay ibibigay rin sa paring gumanap sa paghahandog,
9 gayundin ang mga handog na pagkaing butil na niluto sa pugon, sa ihawan o pinirito sa kawali.
10 Ngunit ang natirang handog na harina, maging ito'y may halong langis o wala, ay paghahati-hatian ng mga paring mula sa angkan ni Aaron.
11 “Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkapayapaan.
12 Kung ito'y inihandog bilang pasasalamat, ang handog ay sasamahan ng tinapay na walang pampaalsa. Ito'y maaaring makakapal na tinapay na yari sa harinang minasa sa langis, o maninipis na tinapay na pinahiran ng langis, o tinapay na yari rin sa harinang minasa sa langis.
13 Ang mga ito ay isasama sa tinapay na may pampaalsa at sa handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat.
14 Sa bawat uri ng tinapay ay magbubukod ng isang ihahandog kay Yahweh at ito'y kukunin ng paring nagbuhos ng dugo ng handog pangkapayapaan.
15 Ang laman ng handog pangkapayapaan bilang pagpapasalamat ay kakaining lahat sa araw ng paghahandog; walang dapat itira para kinabukasan.
16 “Ngunit kung ang handog pangkapayapaan ay panata o kusang-loob, makakain iyon sa araw ng paghahandog at ang matitira'y maaaring kainin sa kinabukasan.
17 Kung mayroon pa ring natira sa ikatlong araw, dapat nang sunugin iyon.
18 Kapag may kumain pa nito, ang handog na iyo'y hindi tatanggapin at mawawalan ng kabuluhan. Iyo'y magiging kasuklam-suklam at pananagutin ang sinumang kumain niyon.
19 Ang handog na karneng nadampian ng anumang bagay na marumi ay hindi dapat kainin; dapat itong sunugin.“Ang sinumang malinis ayon sa batas ay maaaring kumain ng karneng ito.
20 Ngunit ang kumain ng karneng handog pangkapayapaan nang di nararapat ay ititiwalag sa bayan ng Diyos.
21 Ititiwalag sa sambahayan ng Diyos ang sinumang makahawak ng marumi: tao, hayop o anumang bagay na karumal-dumal, at pagkatapos ay kumain ng handog pangkapayapaan.”
22 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
23 “Sabihin mo sa bayang Israel na huwag silang kakain ng taba ng baka, tupa o kambing.
24 Ang taba ng hayop na kusang namatay o ng hayop na niluray ng kapwa hayop ay maaaring gamitin sa ibang bagay, huwag lamang kakainin.
25 Kaya, ang sinumang kumain ng taba ng hayop na inihandog kay Yahweh ay ititiwalag sa sambayanan.
26 At kahit saan kayo naroon, huwag kayong kakain ng dugo ng anumang hayop o ibon.
27 Ang sinumang kumain nito ay ititiwalag sa sambayanan ng Diyos.”
28 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
29 “Sabihin mo rin ito sa bayang Israel: ‘Ang sinumang maghahandog para sa kapayapaan ay magbubukod ng bahagi nito para sa akin.
30 Siya mismo ang maghahandog nito. Dadalhin din niya ang taba at dibdib nito sa harap ng altar upang ihain bilang tanging handog.
31 Kukunin ng pari ang taba nito at susunugin sa altar, ngunit ang dibdib ay ibibigay kay Aaron at sa kanyang mga anak.
32 Ang kanang hita naman ay ibibigay sa paring
33 nagbuhos ng dugo sa altar at nagsunog ng tabang handog pangkapayapaan.
34 Sapagkat iniuutos ko sa bayang Israel na ang dibdib at ang hita ng hayop na handog pangkapayapaan ay ipagkakaloob kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito'y panghabang panahong tungkulin ng bayang Israel.
35 Ito nga ang bahagi ng handog kay Yahweh na nakalaan kay Aaron at sa kanyang mga anak mula nang sila'y gawing mga pari para kay Yahweh.
36 Nang araw na iyon, iniutos ni Yahweh na ito'y ibigay sa kanila. Ang tuntuning ito ay dapat tuparin ng bayang Israel habang panahon.’”
37 Ito ang mga tuntunin tungkol sa mga handog na susunugin, handog na pagkaing butil, handog para sa kapatawaran ng kasalanan, handog na pambayad sa kasalanan, handog sa pagtatalaga at handog pangkapayapaan.
38 Iniutos ito ni Yahweh kay Moises sa Bundok ng Sinai, noong sila'y nasa ilang, nang araw na ang mga Israelita'y utusan ni Yahweh na maghandog sa kanya.