1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Sabihin mo sa mga Israelita na ang sinuman sa Israel, katutubo o dayuhan, na mag-aalay ng kanyang anak bilang handog kay Molec ay babatuhin hanggang sa mamatay.
3 Kasusuklaman ko siya at ititiwalag sa sambayanan ng Israel. Dahil sa kanyang ginawa, dinungisan niya ang banal kong tahanan at nilapastangan ang aking banal na pangalan.
4 Kapag ipinagwalang-bahala ng mga taong-bayan ang ganoong kasamaan at hindi nila pinatay ang gumawa niyon,
5 kasusuklaman ko ang taong iyon at ang kanyang sambahayan. Ititiwalag ko rin sa sambayanan ang mga sumasamba kay Molec.
6 “Ang sinumang sumasangguni sa mga kumakausap sa mga espiritu ng mga namatay na o sa mga manghuhula ay kasusuklaman ko at ititiwalag sa sambayanan.
7 Ilaan ninyo sa akin ang inyong sarili at magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ang inyong Diyos.
8 Ingatan ninyo at sundin ang aking mga tuntunin. Ako si Yahweh. Inilalaan ko kayo para sa akin.
9 “Ang sinumang magmura sa kanyang ama at ina ay dapat patayin. Mananagot ang sinumang lumait sa kanyang ama at ina.
10 “Ang lalaking mangangalunya sa asawa ng iba ay dapat patayin, gayundin ang babae.
11 Inilalagay sa kahihiyan ng isang lalaki ang kanyang sariling ama kung siya'y nakikipagtalik sa ibang asawa nito; siya at ang babae'y dapat patayin.
12 Ang lalaking nakikipagtalik sa kanyang manugang ay nagkasala, at pareho silang dapat patayin.
13 Ang lalaking nakikipagtalik sa kapwa lalaki ay gumagawa ng karumal-dumal na gawain at pareho silang dapat patayin.
14 Ang lalaking makipag-asawa sa isang babae at sa ina nito ay karumal-dumal; silang tatlo ay dapat sunugin upang mawala ang gayong kasamaan.
15 Ang lalaking nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.
16 Ang babaing nakipagtalik sa hayop ay dapat patayin, gayundin ang hayop.
17 “Ang lalaking nag-asawa sa kanyang kapatid, maging ito'y kapatid sa ama o ina, at sila'y nagsama ay gumawa ng isang kahihiyan. Dapat silang itiwalag sa sambayanan. Nilagay niya ang kanyang kapatid sa kahihiyan, kaya dapat siyang parusahan.
18 Kapag nakipagtalik ang isang lalaki sa babaing may regla, nilabag nila ang tuntunin tungkol sa karumihan. Kapwa sila ititiwalag sa sambayanan.
19 “Kapag nakipagtalik ang isang lalaki sa kapatid ng kanyang ama o ina, sila'y nagkasala at dapat parusahan.
20 Kapag ang isang lalaki'y nakipagtalik sa asawa ng kanyang tiyo, dinungisan niya ang dangal nito. Ang lalaking iyon at ang babae ay nagkasala at dapat parusahan; mamamatay silang walang anak.
21 Kapag kinasama ng isang lalaki ang kanyang hipag, dinungisan niya ang dangal ng kanyang kapatid. Mamamatay silang walang anak.
22 “Sundin ninyo ang lahat ng utos at tuntunin ko upang hindi kayo mapalayas sa lupaing pagdadalhan ko sa inyo.
23 Huwag ninyong tularan ang gawain ng bansang pupuntahan ninyo sapagkat iyon ang dahilan kaya ko sila itinakwil.
24 Ngunit kayo'y pinangakuan ko na ibibigay ko sa inyo ang kanilang lupain, isang lupain na mayaman at sagana sa lahat ng bagay. Ako si Yahweh, ang inyong Diyos. Pinili ko kayo sa mga bansa.
25 Kaya, dapat ninyong makilala ang marumi at malinis na mga hayop at ibon. Huwag ninyong dudungisan ang inyong mga sarili sa pagkain ng mga hayop at ibong ipinagbabawal ko sa inyo.
26 Magpakabanal kayo sapagkat akong si Yahweh ay banal. Kayo'y pinili ko sa gitna ng mga bansa upang maging akin.
27 “Sinumang kumakausap sa mga espiritu ng mga patay na o mga manghuhula, maging lalaki o babae, ay babatuhin hanggang sa mamatay. Sila na rin ang may kagagawan sa sarili nilang kamatayan.”