1 Sinabi ni Yahweh kina Moises at Aaron,
2 “Sabihin ninyo ito sa bayang Israel: Ang sinumang lalaking may tulo ay ituturing na marumi.
3 At ito ang susundin niyang tuntunin malalâ man o hindi ang kanyang sakit, sapagkat siya'y itinuturing na marumi.
4 Ang alinmang higaan at upuang gamitin niya ay ituturing na marumi.
5 Sinumang makahipo sa higaan nito ay dapat maligo at magbihis. Lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
6 Gayon din ang dapat gawin ng umupo sa inupuan ng may tulo; lalabhan din ang damit, maliligo at magbibihis at ituturing na marumi hanggang gabi.
7 Ang humawak sa may sakit na tulo ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit, at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
8 Sinumang maduraan ng may ganitong sakit ay dapat ding maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at siya'y ituturing na marumi hanggang gabi.
9 Ituturing ding marumi ang upuan na ginamit sa hayop na sinakyan niya.
10 Ang sinumang makahipo sa anumang bagay na kanyang hinigan ay ituturing na marumi. Ang sinumang magdala ng kanyang inupuan ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
11 Ang sinumang mahawakan ng lalaking may sakit na tulo na di muna naghugas ng kamay ay dapat maligo at magbihis; lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
12 Ang mga sisidlang yari sa putik na mahipo niya ay dapat basagin; kung sisidlang kahoy naman, dapat itong hugasang mabuti.
13 “Kung ang maysakit nito ay gumaling na, maghihintay siya ng pitong araw saka maglilinis. Sa ikapitong araw, lalabhan niya ang kanyang kasuotan at maliligo sa umaagos na batis at siya'y magiging malinis na.
14 Kinabukasan, kukuha siya ng dalawang batu-bato o kaya'y dalawang kalapati at dadalhin niya sa harapan ni Yahweh, sa may pintuan ng Toldang Tipanan. Ibibigay niya ito sa pari
15 upang ihandog, ang isa'y para sa kasalanan at ang isa nama'y handog na susunugin. Ganito lilinisin ng pari sa harapan ni Yahweh ang taong nagkasakit ng tulo.
16 “Kapag ang isang lalaki ay nilabasan ng sariling binhi, dapat siyang maligo; ituturing siyang marumi hanggang gabi.
17 Dapat labhan ang alinmang kasuotang yari sa tela o balat ng hayop na nabahiran nito, at hugasan ang alinmang bahagi ng katawan na natuluan ng binhi; iyo'y ituturing na marumi hanggang gabi.
18 Pagkatapos magtalik ang isang lalaki at isang babae, dapat maligo silang pareho; sila'y ituturing na marumi hanggang gabi.
19 “Ang sinumang babaing nireregla ay pitong araw na ituturing na marumi. Ituturing ding marumi hanggang gabi ang makahawak sa kanya.
20 Ang anumang kanyang mahigaan o maupuan sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi.
21 Ang sinumang makahipo sa higaan niya ay dapat maligo, lalabhan nito ang kanyang kasuotan, at siya'y ituturing ding marumi hanggang gabi.
22 Ang sinumang makahawak sa anumang maupuan ng babaing ito ay dapat ding maligo, lalabhan niya ang kanyang damit at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
23 Ang makahawak ng anumang nasa hinigaan o inupuan ng babaing iyon ay ituturing na marumi hanggang gabi.
24 Sinumang lalaking makipagtalik sa babaing may regla ay pitong araw na ituturing na marumi. Anumang kanyang mahigaan ay ituturing ding marumi.
25 “Kung ang sinumang babae ay dinudugo nang wala sa panahon, o lumampas kaya sa takdang panahon ng kanyang pagreregla, ituturing siyang marumi habang siya'y dinudugo, tulad nang siya'y nireregla.
26 Ang anumang mahigaan o maupuan niya sa loob ng panahong iyon ay ituturing na marumi, tulad din ng siya'y nireregla.
27 Ang sinumang makahipo sa mga bagay na ito ay dapat maligo; lalabhan niya ang kanyang kasuotan at ituturing siyang marumi hanggang gabi.
28 Kung huminto na ang kanyang pagdurugo, siya'y bibilang ng pitong araw mula noon at magiging malinis na siya.
29 Sa ikawalong araw, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati at dadalhin niya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan.
30 Ihahandog ang isa nito para sa kasalanan, at ang isa nama'y handog na susunugin. Sa ganitong paraan lilinisin siya ng pari sa harapan ni Yahweh.
31 “Ganito ninyo ilalayo sa karumihan ang mga taga-Israel sapagkat kung hindi ninyo ito gagawin, mamamatay sila sa paglapastangan sa tabernakulo na nasa gitna nila.”
32 Ito ang mga tuntunin para sa paglilinis ng lalaking may tulo, o nilabasan ng sariling binhi,
33 sa babaing nireregla, at sa lalaking makikipagtalik sa isang babaing itinuturing na marumi.