1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Ganito ang sabihin mo sa bayang Israel: Kung ang isang babae ay manganak ng lalaki, pitong araw siyang ituturing na marumi, tulad nang panahong siya'y may regla.
3 Pagdating ng ikawalong araw, dapat nang tuliin ang sanggol.
4 Tatlumpu't tatlong araw pa ang hihintayin ng ina bago siya ituring na malinis. Hindi siya dapat humawak ng anumang bagay na sagrado at hindi rin dapat pumasok sa santuwaryo hanggang hindi natatapos ang takdang panahon.
5 Kung babae naman ang kanyang anak, labing-apat na araw siyang ituturing na marumi, gaya rin nang siya'y may regla. Animnapu't anim na araw pa siyang maghihintay bago siya ituring na malinis.
6 “Kung tapos na ang panahon ng kanyang paglilinis, siya'y maghahandog kay Yahweh, maging lalaki o babae man ang kanyang anak. Magdadala siya sa pari sa may pintuan ng Toldang Tipanan ng isang tupang isang taóng gulang bilang handog na susunugin, at isang kalapati o batu-bato bilang handog para sa kapatawaran ng kasalanan.
7 Ihahandog ito ng pari para sa nanganak, at ang babae'y ituturing na malinis. Ganito ang tuntuning dapat sundin ng isang nanganak.
8 “Kung hindi niya kayang maghandog ng tupa, kukuha siya ng dalawang batu-bato o dalawang kalapati; ang isa'y handog na susunugin at ang isa nama'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Matapos ihandog ng pari ang mga ito, ituturing nang malinis ang ina.”