18 Paglabas niya, pupunta siya sa altar na sunugan ng handog upang linisin din iyon. Kukuha siya ng dugo ng batang toro at ng kambing at papahiran niya ang mga sungay ng altar.
19 Sa pamamagitan ng kanyang daliri, pitong beses niyang wiwisikan ang altar upang ito'y pabanalin at linisin sa kasalanan ng mga Israelita.
20 “Pagkatapos magawâ ni Aaron ang paghahandog para sa Dakong Kabanal-banalan, sa Toldang Tipanan at sa altar na sunugan ng mga handog, kukunin niya ang pangalawang kambing.
21 Ipapatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo nito at ipahahayag ang lahat ng kasamaan, kasalanan at pagsuway ng sambayanang Israel, sa gayon, masasalin sa hayop ang lahat ng ito. Ibibigay niya ang kambing sa isang taong naghihintay doon upang dalhin iyon sa ilang.
22 Tataglayin ng kambing ang kasalanan ng buong bayan at pagdating sa ilang ito'y pakakawalan.
23 “Pupunta naman si Aaron sa Toldang Tipanan at doo'y huhubarin ang damit na suot niya nang pumasok sa Dakong Kabanal-banalan at iiwan ito roon.
24 Maliligo siya sa isang banal na lugar at matapos magbihis ng sariling damit, ihahandog niya sa altar ang handog na susunugin para sa kanyang sarili at para sa buong bayan.