1 “Kung may maghahandog ng pagkaing butil kay Yahweh, ang ihahandog niya'y ang mabuting uri ng harina. Bubuhusan niya ito ng langis ng olibo at bubudburan ng insenso
2 bago dalhin sa mga pari. Ang paring namumuno sa paghahandog ay dadakot ng harina, kasama ang langis at lahat ng insenso para sunugin sa altar bilang tanda na ang lahat ng ito'y inihandog kay Yahweh. Ang usok nito'y magiging mabangong samyo kay Yahweh.
3 Ang matitira sa handog na pagkaing butil ay para kay Aaron at sa kanyang mga anak. Ito ay ganap na sagrado sapagkat ito'y bahagi ng pagkaing handog sa akin.
4 “Kung luto sa pugon ang handog na pagkaing butil, kailangang ito'y yari sa mabuting uri ng harina at walang pampaalsa. Maaari itong masahin sa langis at lutuin nang makapal o kaya'y lutuin nang maninipis at pahiran ng langis.
5 “Kung luto naman sa palapad na kawali ang handog na pagkaing butil, kailangang mabuti ring uri ng harina ang gamitin, walang pampaalsa at minasa rin sa langis.