15 upang huwag magkaroon ng kapintasan sa harapan ng bayan ang magiging mga anak niya. Ako si Yahweh; inilaan ko siya para sa akin.”
16 Sinabi pa ni Yahweh kay Moises,
17 “Sabihin mo rin kay Aaron na ang sinuman sa lahi niya na may kapintasan o kapansanan ay hindi kailanman nararapat mag-alay ng handog sa akin.
18 Hindi maaaring lumapit sa altar ang sinumang bulag, pilay, may sira ang mukha, at may kapansanan sa katawan,
19 may bali sa paa o kamay,
20 may depekto sa mata, may sakit sa balat, kuba, unano, o isang kapon.
21 Sinumang may kapintasan sa lahi ni Aaron ay hindi maaaring maghandog kay Yahweh. Hindi nga siya maaaring maghain ng pagkaing handog dahil sa kanyang kapintasan.