4 Dapat niyang pag-ingatan na siya'y huwag marumihan sa pamamagitan ng bangkay ng kanyang mga kamag-anak sa asawa upang hindi malapastangan ang kanyang pagiging pari.
5 “Huwag silang magpapakalbo, magpuputol ng balbas, o maghihiwa sa sarili upang ipakita lamang na sila'y nagluluksa.
6 Ingatan nilang malinis ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos at huwag nilang lalapastanganin ang pangalan ng Diyos. Sila ang naghahain ng handog sa akin, kaya dapat silang maging banal.
7 Huwag silang mag-aasawa ng babaing nagbebenta ng aliw sa mga sagradong lugar, o kaya'y babaing hiniwalayan at pinalayas ng kanilang asawa, sapagkat nakalaan sa Diyos ang mga pari.
8 Ituring ninyong banal ang pari sapagkat siya ang naghahandog ng pagkain sa akin; dapat siyang maging banal sapagkat akong si Yahweh ay banal kaya't ginawa ko kayong banal.
9 Kung ang babaing anak ng pari ay mamuhay nang may kahalayan, nilapastangan niya ang kanyang ama, kaya dapat siyang sunugin.
10 “Kung ang nahirang na pinakapunong pari, na binuhusan ng langis sa ulo at itinalagang magsuot ng sagradong kasuotan, ay mamatayan ng kamag-anak, huwag niyang guguluhin ang kanyang buhok ni pupunitin ang kanyang damit bilang tanda ng pagluluksa.