1 Sinabi ni Yahweh kay Moises,
2 “Ipahayag mo sa mga Israelita ang mga pistang itinakda ko; ipangingilin nila ang mga banal na pagtitipong ito, at magkakaroon sila ng banal na pagpupulong.
3 Anim na araw kayong magtatrabaho, ngunit sa ikapitong araw kayo'y magpapahinga. Iyon ay araw ng banal na pagtitipon. Huwag magtatrabaho ang sinuman sa inyo, saanman kayo naroroon; iyon ay Araw ng Pamamahinga para kay Yahweh.
4 “Ito ang mga pistang itinakda ko:
5 ang Pista ng Paskwa na gaganapin sa gabi ng ikalabing apat na araw ng unang buwan.
6 Kinabukasan ay Pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa; pitong araw kayong kakain ng tinapay na walang pampaalsa.