21 Ito'y mamasahing mabuti sa langis at ipiprito sa kawali at pagpipira-pirasuhin. Pagkatapos, susunugin sa altar bilang mabangong samyong handog sa akin, gaya ng handog na pagkaing butil.
22 Ang paring mula sa angkan ni Aaron ang maghahandog nito sa akin; ito'y batas na dapat sundin magpakailanman. Ang handog na ito ay susunugin para sa akin.
23 Ang lahat ng pagkaing butil na handog ng pari ay lubusang susunugin, at hindi ito maaaring kainin.”
24 Sinabi rin ni Yahweh kay Moises,
25 “Sabihin mo kay Aaron at sa mga paring mula sa kanyang angkan, ‘Ito naman ang tuntunin tungkol sa handog pangkasalanan. Ang handog pangkasalanan ay papatayin sa pinagpapatayan ng handog na susunugin. Ito'y ganap na sagrado.
26 Ang natirang hindi sinunog ay maaaring kainin ng paring naghandog nito. Ngunit kakainin niya ito sa isang banal na lugar, sa patyo ng Toldang Tipanan.
27 Ang anumang madampi sa laman niyon ay ituturing na banal. Ang damit na malagyan ng dugo nito ay lalabhan sa isang banal na lugar.