12 Binuhusan niya ng langis ang ulo ni Aaron upang ilaan siya kay Yahweh.
13 Matapos italaga si Aaron, pinalapit naman ni Moises ang mga anak ni Aaron at sinuotan ng mahabang panloob na kasuotan, binigkisan sa baywang, at nilagyan ng turbante, gaya ng iniutos ni Yahweh.
14 Pagkatapos, ipinakuha ni Moises ang torong handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ipinatong ni Aaron at ng kanyang mga anak na lalaki ang kanilang mga kamay sa ulo ng torong ihahandog.
15 Pinatay niya ito, kumuha ng kaunting dugo at sa pamamagitan ng kanyang daliri ay pinahiran ang mga sungay ng altar upang ito'y gawing malinis. Ang natirang dugo ay ibinuhos sa paanan ng altar bilang pagtatalaga at pagtubos.
16 Kinuha ni Moises ang taba ng laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati ang taba nito at kanyang sinunog sa altar.
17 Ang balat, laman at dumi nito ay sinunog naman niya sa labas ng kampo, gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
18 Pagkatapos, kinuha ni Moises ang lalaking tupa na iaalay bilang handog na susunugin. Ipinatong din ni Aaron at ng kanyang mga anak ang kanilang mga kamay sa ulo nito bago niya ito pinatay.