24 Tinawag ni Moises ang mga anak ni Aaron at pinahiran din niya ng dugo ang lambi ng mga kanang tainga at ang hinlalaki ng mga kanang kamay at paa ng mga ito. Ibinuhos niya ang natirang dugo sa mga gilid ng altar.
25 Pagkatapos kinuha niya ang taba ng buntot, ang tabang bumabalot sa laman-loob, ang ibabang bahagi ng atay, ang dalawang bato pati taba nito at ang kanang hita ng tupa.
26 Sa basket na nasa altar ay dumampot siya ng isang tinapay, isang tinapay na hinaluan ng langis, isang tinapay na manipis, at ipinatong ang mga ito sa taba at kanang hita ng pinatay na tupa. Ang mga tinapay na ito'y walang pampaalsa.
27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh.
28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.