27 Pinahawakan niya ito kina Aaron at sa kanyang mga anak at inialay nila ito bilang natatanging handog kay Yahweh.
28 Pagkatapos, ipinatong ito ni Moises sa handog na susunuging nasa altar, saka sinunog bilang handog para sa pagtatalaga. Ito'y handog na pagkain at ang halimuyak nito'y naging mabangong samyo kay Yahweh.
29 Kinuha ni Moises ang parteng dibdib ng tupa at inialay bilang natatanging handog kay Yahweh; ito ang kanyang bahagi sa tupang handog na pantalaga gaya ng iniutos sa kanya ni Yahweh.
30 Kumuha siya ng langis na pantalaga at kaunting dugong nasa altar at winisikan si Aaron at ang kanyang mga anak, pati ang mga kasuotan nila. Ganito sila itinalaga kay Yahweh pati ang kanilang mga kasuotan.
31 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Aaron at sa kanyang mga anak, “Dalhin ninyo ang laman ng karne sa may pintuan ng Toldang Tipanan, ilaga ninyo ito at kainin kasama ang tinapay na nasa basket na ginagamit sa mga handog sa pagtatalaga, gaya ng ipinag-uutos ni Yahweh.
32 Ang matira ay inyong susunugin.
33 Huwag kayong aalis doon sa loob ng pitong araw hangga't hindi natatapos ang pagtatalaga sa inyo.