16 Pero ang Dios ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
17 Mga taga-Jerusalem, tipunin na ninyo ang mga kagamitan at umalis, dahil malapit nang salakayin ang lungsod ninyo.
18 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Makinig kayo! Paaalisin ko kayo sa lupaing ito. Pahihirapan ko kayo hanggang sa madama nʼyo ang galit ko.”
19 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Nakakaawa tayo dahil sa kapahamakan natin. Malubha ang kalagayan natin, pero kailangan natin itong tiisin.
20 Wasak na ang mga tolda natin; nalagot na ang mga tali nito. Iniwan na tayo ng mga anak natin. Wala nang natira na muling magtatayo ng mga toldang tinitirhan natin.”
21 Nangyari ito sa atin dahil hangal ang mga pinuno natin. Hindi sila lumapit sa Panginoon para sumangguni. Kaya hindi sila nagtagumpay, at nangalat ang mga taong nasasakupan nila.
22 Pakinggan nʼyo ang malakas na ingay ng mga sundalo na dumarating mula sa hilaga! Wawasakin nila ang mga bayan ng Juda at magiging tirahan na lang ito ng mga asong-gubat.