1-2 Sinalakay ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ang Jerusalem at ang mga bayan sa palibot nito. Kasama niyang lumusob ang lahat ng sundalo niya pati ang mga sundalo na galing sa mga kaharian na nasasakupan niya. Sa panahong iyon, sinabi kay Jeremias ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel,“Pumunta ka kay Haring Zedekia ng Juda at sabihin mo sa kanya na ako, ang Panginoon, ang nagsasabi, ‘Ibibigay ko sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito at susunugin niya ito.’
3 Hindi ka makakatakas sa mga kamay niya. Huhulihin ka at ibibigay sa hari ng Babilonia. Haharap ka sa kanya para hatulan at dadalhin kang bihag sa Babilonia.
4 Pero Haring Zedekia, pakinggan mo ang pangako ko sa iyo: Hindi ka mamamatay sa digmaan,
5 kundi payapa kang mamamatay. Ang mga mamamayan moʼy magsusunog ng mga insenso para parangalan ka, katulad ng ginawa nila sa paglilibing ng mga ninuno mo na mga naunang hari. Ipagluluksa ka nila at sasabihin nila, ‘Patay na ang aming hari!’ Dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
6 Pagkatapos, pumunta si Jeremias sa Jerusalem, at sinabi ang lahat ng ito kay Haring Zedekia.
7 Sumasalakay na ng panahong iyon ang hukbo ng hari ng Babilonia sa Jerusalem, sa Lakish at sa Azeka. Ito na lang ang mga lungsod ng Juda na may mga pader.
8 May sinabi pa ang Panginoon kay Jeremias nang panahong gumawa ng kasunduan si Haring Zedekia sa lahat ng taga-Jerusalem na palalayain niya ang mga alipin.
9 Nag-utos si Zedekia na ang sinumang may mga aliping Hebreo, maging babae o lalaki ay kinakailangan nilang palayain. Walang kapwa Judio na mananatiling alipin.
10 At ang lahat ng mamamayan, pati ang mga namumuno ay pumayag sa kasunduang ito, at pinalaya nila ang mga alipin nila – lalaki man o babae.
11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.
12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila,
14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo.
15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko.
16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.
17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig.
18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya, at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati.
20 Ibibigay ko sila sa mga kaaway nila na nagnanais pumatay sa kanila. At magiging pagkain ng mga ibon at mababangis na hayop ang mga bangkay nila.
21 “Ibibigay ko si Haring Zedekia ng Juda at ang mga pinuno niya sa mga kaaway nila na mga sundalo ng hari ng Babilonia na gustong pumatay sa kanila. Bagamaʼt tumigil na sila sa pagsalakay sa inyo,
22 uutusan ko sila na muli kayong salakayin, sakupin at sunugin. Gagawin kong mapanglaw ang mga bayan ng Juda at wala nang maninirahan dito.”