1 Ito pa ang sinabi ng Panginoon tungkol sa Babilonia: “Hahamunin ko ang manlilipol para salakayin ang Babilonia at ang mga mamamayan nito.
2 Magpapadala ako ng mga dayuhan para salakayin at wasakin ang Babilonia na tulad sa ipa na tinatangay ng hangin. Lulusubin nila ang Babilonia sa lahat ng dako sa araw ng kapahamakan nito.
3 Hindi na magkakaroon ng pagkakataon ang mga tagapana ng Babilonia na magamit ang mga pana o mga baluti nila. Wala silang ititirang kabataang lalaki. Lubusan nilang lilipulin ang mga sundalo ng Babilonia.
4 Hahandusay ang mga sugatan nilang bangkay sa mga daan.
5 Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Banal na Dios ng Israel, ay hindi itinakwil ang Israel at Juda kahit na puno ng kasamaan ang lupain nila.
6 “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay! Hindi kayo dapat mamatay dahil sa kasalanan ng Babilonia. Panahon na para gantihan ko siya ayon sa nararapat sa mga ginawa niya.
7 Para siyang tasang ginto sa kamay ko na puno ng alak. Pinainom niya ang mga bansa sa buong daigdig, at silaʼy nalasing at naging baliw.
8 Biglang mawawasak ang Babilonia! Ipagluksa nʼyo siya! Gamutin nʼyo ang mga sugat niya at baka sakaling gumaling siya.”
9 Sinabi ng mga Israelitang naninirahan doon, “Sinikap naming gamutin ang Babilonia pero hindi na siya magamot. Hayaan na lang natin siya at umuwi na tayo sa mga lugar natin. Sapagkat hanggang langit na ang mga kasalanan niya kaya parurusahan na siya ng Panginoon.
10 Ipinaghiganti tayo ng Panginoon. Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem at sabihin natin doon ang ginawa ng Panginoon na ating Dios.”
11 Maghihiganti ang Panginoon sa Babilonia dahil sa paggiba nito sa templo niya. Hinikayat ng Panginoon ang mga hari ng Media para wasakin ang Babilonia dahil ito ang layunin niya. Sinabi niya, “Hasain nʼyo ang mga pana ninyo at ihanda ang mga pananggalang ninyo.
12 Itaas nʼyo ang watawat na sagisag ng pagsalakay sa Babilonia. Dagdagan nʼyo ang mga bantay; ipwesto ang mga bantay. Palibutan nʼyo ang lungsod! Panahon na para gawin ng Panginoon ang plano niya laban sa mga taga-Babilonia.”
13 O Babilonia, sagana ka sa tubig at sagana ka rin sa kayamanan. Pero dumating na ang wakas mo, ang araw ng kapahamakan mo.
14 Sumumpa ang Panginoong Makapangyarihan sa sarili niya na sinasabi, “Ipapasalakay ko kayo sa napakaraming kaaway na kasindami ng balang, at sisigaw sila ng tagumpay laban sa inyo.”
15 Nilikha ng Dios ang langit at ang lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan niya.
16 Sa utos niyaʼy lumalabas ang mga ulap at mga kidlat sa kalangitan, at bumubuhos ang malakas na ulan. Pinapalabas niya ang hangin mula sa pinanggagalingan nito.
17 Mga hangal at mangmang ang bawat tao na sumasamba sa mga dios-diosan. Mapapahiya lang ang mga platerong gumawa ng mga dios-diosan nila, dahil hindi naman totoong dios ang mga ito. Wala silang buhay,
18 wala silang kabuluhan at dapat kamuhian. Darating ang araw na wawasakin ang lahat ng ito.
19 Pero ang Dios ni Jacob ay hindi katulad ng mga iyon. Siya ang lumikha ng lahat ng bagay pati na ang Israel, ang mga taong hinirang niya – Panginoong Makapangyarihan ang pangalan niya.
20 Sinabi ng Panginoon, “Ikaw ang panghampas ko, ang panghampas ko sa digmaan. Sa pamamagitan mo, wawasakin ko ang mga bansa at kaharian,
21 ang mga kabayo, karwahe at ang mga nakasakay dito.
22 Sa pamamagitan mo, lilipulin ko ang mga lalaki at babae, matatanda at bata, at ang mga binata at dalaga.
23 Lilipulin ko rin sa pamamagitan mo ang mga kawan at mga pastol, ang mga magbubukid at mga baka, ang mga pinuno at iba pang mga namamahala.
24 “Mga mamamayan ko, ipapakita ko sa inyo ang paghihiganti ko sa Babilonia at sa mga mamamayan nito dahil sa lahat ng kasamaang ginawa nila sa Jerusalem. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka.
26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang.
28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.
29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito.
30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan.
31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na.
32 Naagaw ang mga tawiran sa mga ilog. Sinunog ang mga kampo at natatakot ang mga sundalo.”
33 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Ang Babilonia ay tulad ng trigo na malapit nang anihin at giikin.”
34-35 Sinabi ng mga taga-Jerusalem, “Si Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang dragon na lumulon sa amin. Binusog niya ang tiyan niya ng mga kayamanan namin. Iniwan niya ang lungsod namin na walang itinira, parang banga na walang laman. Itinaboy niya kami at hindi namin alam kung ano ang gagawin namin. Gawin din sana sa Babilonia ang ginawa niya sa amin at sa mga anak namin. Pagbayaran sana ng mga mamamayan ng Babilonia ang mga pagpatay nila.”
36 Kaya sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, ipagtatanggol ko kayo at maghihiganti ako para sa inyo. Patutuyuin ko ang dagat at ang mga bukal sa Babilonia.
37 Wawasakin ko ang bansang ito! Magiging katawa-tawa at kasumpa-sumpa ang bansang ito, at wala nang maninirahan dito maliban sa mga asong-gubat.
38 Ang mga taga-Babilonia ay aatungal na parang leon.
39 At dahil gutom sila, ipaghahanda ko sila ng piging. Lalasingin ko sila, pasasayahin at patutulugin nang mahimbing habang panahon, at hindi na magigising.
40 Dadalhin ko sila para katayin na parang mga tupa at mga kambing.
41 Papaanong bumagsak ang Babilonia? Ang bansang hinahangaan ng buong mundo! Nakakatakot tingnan ang nangyari sa kanya!
42 Matatabunan ng malalakas na alon ang Babilonia.
43 Magiging malungkot ang mga bayan niya na parang disyerto na walang nakatira o dumadaan man lang.
44 Parurusahan ko si Bel na dios-diosan ng Babilonia. Ipapasuka ko sa kanya ang mga nilamon niya. Hindi na siya dadagsain ng mga bansa para sambahin. Bumagsak na ang mga pader ng Babilonia.
45 “Mga hinirang ko, lumayo na kayo sa Babilonia! Iligtas ninyo ang inyong buhay bago ko ibuhos ang galit ko.
46 Pero huwag kayong matatakot o manlulupaypay kung dumating na ang balita tungkol sa digmaan. Sapagkat ang balita tungkol sa digmaan ng mga hari ay darating sa bawat taon.
47 Darating ang panahon na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. Mapapahiya ang buong Babilonia, at bubulagta ang lahat ng bangkay ng mamamayan niya.
48 At kapag nangyari iyon, sisigaw sa kagalakan ang langit at ang lupa, at ang lahat ng nandito dahil sa pagkawasak ng Babilonia. Sapagkat sasalakayin ito ng mga mangwawasak mula sa hilaga. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
49 “Kinakailangang wasakin ang Babilonia dahil sa pagpatay niya sa mga Israelita at sa iba pang mga tao sa buong mundo.
50 “Kayong mga natitirang buhay, tumakas na kayo mula sa Babilonia at huwag kayong tumigil! Alalahanin nʼyo ang Panginoon at ang Jerusalem kahit na nasa malalayo kayong lugar.
51 Sinasabi ninyo, ‘Nahihiya kami. Kinukutya kami at inilalagay sa kahihiyan dahil ang templo ng Panginoon ay dinungisan ng mga dayuhan.’
52 Pero darating ang araw na parurusahan ko ang mga dios-diosan ng Babilonia. At ang mga daing ng mga sugatang taga-Babilonia ay maririnig sa buong lupain nila.
53 Kahit na umabot pa sa langit ang mga pader ng Babilonia at kahit tibayan pa nila ito nang husto, magpapadala pa rin ako ng wawasak dito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
54 Mapapakinggan ang mga iyakan sa buong Babilonia dahil sa pagkawasak nito.
55 Wawasakin ko ang Babilonia at magiging tahimik ito. Sasalakay sa kanya ang mga kaaway na parang umuugong na alon. Maririnig ang sigawan nila sa kanilang pagsalakay.
56 Darating ang mga wawasak ng Babilonia at bibihagin ang mga kawal niya, at mababali ang mga pana nila. Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios na nagpaparusa sa masasama. At parurusahan ko ang Babilonia ayon sa nararapat sa kanya.
57 Lalasingin ko ang kanyang mga tagapamahala, marurunong, mga pinuno, mga punong sundalo at ang buong hukbo niya. Mahihimbing sila at hindi na magigising habang panahon. Ako, ang Hari na nagsasabi nito. Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko.”
58 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Wawasakin ang makakapal na pader ng Babilonia at susunugin ang matataas niyang pintuan. Magiging walang kabuluhan ang lahat ng pinaghirapan ng mga mamamayan niya dahil ang lahat ng iyon ay masusunog lang.”
59 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya na isa sa mga nakakataas na tagapamahala ni Haring Zedekia. Si Seraya ay anak ni Neria at apo ni Maseya. Sinabi ni Jeremias ang mensaheng ito noong pumunta si Seraya sa Babilonia kasama ni Haring Zedekia. Ikaapat na taon noon ng paghahari ni Zedekia sa Juda.
60 Isinulat ni Jeremias sa nakarolyong sulatan ang lahat ng kapahamakang darating at mangyayari sa Babilonia.
61 Ito ang sinabi ni Jeremias kay Seraya, “Kapag dumating ka sa Babilonia, basahin mo nang malakas sa mga tao ang nakasulat sa kasulatang ito.
62 Pagkatapos ay manalangin ka, ‘O Panginoon, sinabi nʼyo po na wawasakin nʼyo ang lugar na ito para walang manirahan dito, maging tao man o hayop, at itoʼy magiging mapanglaw magpakailanman.’
63 Pagkabasa mo nito, talian mo ito ng bato at ihagis sa Ilog ng Eufrates.
64 At sabihin mo, ‘Ganyan ang mangyayari sa Babilonia, lulubog ito at hindi na lilitaw pa dahil sa mga kapahamakang ipararanas ng Panginoon sa kanya. Mamamatay ang mga mamamayan niya.’ ”Ito ang katapusan ng mensahe ni Jeremias.