1 Sinabi pa ng Panginoon, “Sa araw na iyon, akoʼy magiging Dios ng buong Israel at magiging hinirang ko sila.
2 Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing aalagaan ko ang mga natitirang buhay sa kanila habang naglalakbay sila sa ilang. Magbabalik ako para bigyan ng kapahingahan ang Israel.”
3 Noong una, ang Panginoon ay nagpakita sa mga Israelita at nagsabi, “Inibig ko kayo ng walang hanggang pag-ibig. Sa kagandahang-loob ko, pinalapit ko kayo sa akin.
4 Muli ko kayong itatayo, kayong mga taga-Israel, na katulad ng isang birhen. Muli kayong sasayaw sa tuwa na tumutugtog ng inyong tamburin.
5 Muli kayong magtatanim ng ubas sa mga burol ng Samaria at pakikinabangan nʼyo ang mga bunga nito.
6 Darating ang araw na ang mga nagbabantay ng lungsod ay sisigaw doon sa kabundukan ng Efraim, ‘Halikayo, pumunta tayo sa Jerusalem para sumamba sa Panginoon na ating Dios.’ ”
7 Sinabi ng Panginoon, “Umawit kayo at humiyaw para sa Israel, ang bansang pinakadakila sa lahat ng bansa. Magpuri kayo at sumigaw, ‘O Panginoon, iligtas mo ang mga mamamayan mo, ang mga natitirang buhay sa mga taga-Israel.’
8 Makinig kayo! Ako ang kukuha sa kanila at titipunin ko sila mula sa hilaga at sa alin mang bahagi ng mundo. Pati ang mga bulag at mga lumpo ay kasama, ganoon din ang mga buntis at ang mga malapit nang manganak. Napakalaking grupo ang uuwi.
9 Mag-iiyakan sila sa tuwa at mananalangin habang dinadala ko sila pauwi. Dadalhin ko sila sa mga bukal, dadaan sila sa magandang daan at hindi sila matitisod. Sapagkat ako ang ama ng Israel; at si Efraim ang panganay kong anak.
10 “Mga bansa, pakinggan nʼyo ang mensahe ko, at ibalita nʼyo ito sa malalayong lugar: ‘Pinangalat ko ang mga taga-Israel, pero muli ko silang titipunin at aalagaan ko sila katulad ng pag-aalaga ng pastol sa mga tupa niya.’
11 Ililigtas ko ang mga lahi ni Jacob sa kamay ng mga taong higit na makapangyarihan kaysa sa kanila.
12 Pupunta sila sa Bundok ng Zion at sisigaw dahil sa kagalakan. Magsasaya sila dahil sa mga pagpapala ko sa kanila. Magiging sagana ang mga trigo, ang bagong katas ng ubas, langis at mga hayop nila. Matutulad sila sa halamanang palaging dinidiligan at hindi na sila muling magdadalamhati.
13 Kung magkagayon, ang kanilang mga dalagaʼt binata pati ang matatanda ay sasayaw sa tuwa. Papalitan ko ng kagalakan ang pag-iiyakan nila. At sa halip na magdalamhati sila, bibigyan ko sila ng kaaliwan.
14 Bibigyan ko ng maraming handog ang mga pari. Bubusugin ko ng masaganang pagpapala ang mga mamamayan ko. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
15 Sinabi pa ng Panginoon, “May narinig na malakas iyakan at panaghoy sa Rama. Iniiyakan ni Raquel ang pagkamatay ng kanyang mga anak, at ayaw niyang magpaaliw dahil patay na ang mga ito.”
16 Pero sinabi ng Panginoon, “Huwag ka nang umiyak dahil gagantimpalaan kita sa mga ginawa mo. Babalik ang mga anak mo galing sa lupain ng mga kaaway.
17 Kaya may pag-asa ka sa hinaharap. Sapagkat talagang babalik ang mga anak mo sa sarili nilang lupain.”
18 Narinig ko ang panaghoy ng mga taga-Efraim. Sinabi nila, “Panginoon, kami po ay parang mga guya na hindi pa sanay sa pamatok, pero tinuruan nʼyo po kaming sumunod sa inyo. Kayo ang Panginoon naming Dios, kaya ibalik nʼyo na po kami sa sarili naming lupain.
19 Lumayo kami sa inyo noon, pero nagsisisi na po kami ngayon. Nang malaman po namin na nagkasala kami, dinagukan po namin ang aming mga dibdib sa pagsisisi. Nahihiya po kami sa mga ginawa namin noong aming kabataan.”
20 Sumagot ang Panginoon, “Kayong mga mamamayan ng Efraim ay aking minamahal na mga anak. Kahit palagi akong nagsasalita laban sa inyo, nalulugod pa rin ako sa inyo. Nananabik ako at nahahabag sa inyo.
21 “Maglagay kayo ng mga tanda at tulos na magiging gabay sa inyong daan. Tandaan ninyong mabuti ang inyong dinaanan dahil diyan din kayo dadaan pagbalik ninyo.
22 Kailan pa kayo babalik sa akin, mga anak kong naliligaw? Gagawa ako ng bagong bagay sa mundo – ang babae na ang magtatanggol sa lalaki.”
23 Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kapag naibalik ko na ang mga mamamayan ng Juda sa lupain nila mula sa pagkabihag, muli nilang sasabihin, ‘Pagpalain nawa ng Panginoon ang banal na bundok ng Jerusalem na tinitirhan niya.’
24 Maninirahan ang mga tao sa Juda at sa mga bayan nito, pati na ang mga magbubukid at mga pastol ng mga hayop.
25 Sapagkat pagpapahingahin ko ang mga napapagod at bubusugin ko ang mga nanghihina dahil sa gutom. Kaya sasabihin ng mga tao,
26 ‘Sa aking paggising naramdaman kong nakabuti sa akin ang aking pagtulog.’ ”
27 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na pararamihin ko ang mga mamamayan ng Israel at Juda, pati ang mga hayop nila.
28 Noong una ay winasak, giniba, at ibinuwal ko sila pero sa bandang huli, muli ko silang ibabangon at itatayo.
29 Sa panahong iyoʼy hindi na sasabihin ng mga tao, ‘Kumain ng maasim na ubas ang mga magulang at ang asim ay nalasahan ng mga anak.’
30 Sa halip, kung sino ang kumain ng maasim na ubas, siya lang ang makakalasa ng asim nito. Ang taong nagkasala lang ang siyang mamamatay.”
31 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang panahon na gagawa ako ng bagong kasunduan sa mga taga-Israel at taga-Juda.
32 At hindi ito katulad ng unang kasunduan na ginawa ko sa kanilang mga ninuno noong pinatnubayan ko sila sa paglabas sa Egipto. Kahit na akoʼy parang asawa nila, hindi nila tinupad ang una naming kasunduan.”
33 Sinabi pa ng Panginoon, “Ito ang bagong kasunduan na gagawin ko sa mga mamamayan ng Israel pagdating ng araw na iyon: Itatanim ko sa isipan nila ang utos ko, at isusulat ko ito sa mga puso nila.
34 Hindi na nila kailangan pang turuan ang mga kababayan o kapatid nila na kilalanin ang Panginoon. Sapagkat kikilalanin nila akong lahat, mula sa pinakamababa hanggang sa pinakadakila. Sapagkat patatawarin ko ang kasamaan nila at lilimutin ko na ang mga kasalanan nila.”
35 Sinabi pa ng Panginoon, “Ako ang nag-utos sa para magbigay-liwanag sa maghapon, at sa buwan at mga bituin na magbigay-liwanag sa magdamag. At ako ang kumakalawkaw ng dagat hanggang sa umugong ang mga alon. Makapangyarihang Panginoon ang pangalan ko.
36 Habang nananatili ang langit at ang mundo, mananatili rin ang bansang Israel magpakailanman.
37 Kung paanong hindi masusukat ang langit at hindi malalaman ang pundasyon ng lupa, ganoon din naman, hindi ko maitatakwil ang lahat ng angkan ng Israel kahit na marami silang nagawang kasalanan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
38 Patuloy na sinabi ng Panginoon, “Darating ang panahon na ang lungsod ng Jerusalem ay muling itatayo mula sa Tore ni Hananel hanggang sa Panulukang Pintuan.
39 Mula sa mga lugar na iyon, magpapatuloy ang hangganan patungo sa burol ng Gareb at saka liliko sa Goa.
40 Ang buong lambak na tinatapunan ng mga bangkay at mga basura ay nakatalaga sa akin pati ang lahat ng bukirin sa Lambak ng Kidron hanggang sa pintuan na tinatawag na Kabayo sa silangan. Ang lungsod na itoʼy hindi na mawawasak o muling magigiba.”