Jeremias 33 ASND

Mga Pangakong Pagpapala

1 Habang si Jeremias ay naroon pa sa kulungan sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo, nagsalita ang Panginoon sa kanya sa pangalawang beses.

2 Ito ang sinasabi ng Panginoong lumikha ng mundo at naghugis nito –  Panginoon ang pangalan niya:

3 “Tumawag ka sa akin at sasagutin kita, at ipahahayag ko sa iyo ang mga kahanga-hanga at mahihiwagang bagay na hindi mo pa alam.

4 Sapagkat ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: Kahit giniba na ang mga bahay sa Jerusalem at ang palasyo ng hari ng Juda para gawing mga pampatibay ng pader upang hindi ito mapasok ng mga kaaway,

5 papasukin pa rin ito ng mga taga-Babilonia. Maraming mamamatay sa lungsod na ito dahil wawasakin ko ito sa tindi ng galit ko sa inyo. Itatakwil ko ang lungsod na ito dahil sa kasamaan nito.

6 “Pero darating ang araw na pagagalingin ko ang lungsod na ito at ang mga mamamayan nito. At mamumuhay silang may kaunlaran at kapayapaan.

7 Pababalikin ko ang mga taga-Israel at taga-Juda mula sa pagkakabihag, at itatayo ko ulit ang lungsod nila katulad noon.

8 Lilinisin at papatawarin ko sila sa lahat ng kasalanang ginawa nila sa akin.

9 At kapag nangyari ito, ang lungsod ng Jerusalem ay magbibigay sa akin ng kadakilaan, kagalakan at kapurihan. At ang bawat bansa sa daigdig ay manginginig sa takot kapag nabalitaan nila ang mga kabutihan, kaunlaran at kapayapaan na ipinagkaloob ko sa lungsod na ito.”

10 Sinabi pa ng Panginoon, “Sinasabi ninyong malungkot at walang tao at mga hayop ang Juda at Jerusalem. Pero darating ang araw na muling mapapakinggan sa mga lugar na ito ang mga kasayahan at kagalakan.

11 Muling maririnig ang kagalakan ng mga bagong kasal, at ng mga taong nagdadala ng mga handog ng pasasalamat sa templo ng Panginoon. Sasabihin nila, ‘Magpasalamat tayo sa Panginoong Makapangyarihan dahil napakabuti niya. Ang pagmamahal niyaʼy walang hanggan.’ Talagang magsasaya ang mga tao dahil ibabalik ko ang mabuting kalagayan sa lupaing ito katulad noong una. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

12 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Kahit na mapanglaw ang lupaing ito ngayon at walang tao at hayop, darating ang araw na magkakaroon ng mga pastulan sa lahat ng bayan na pagdadalhan ng mga pastol ng kanilang mga kawan.

13 Muling dadami ang kawan nila sa mga bayan sa kabundukan, sa mga kaburulan sa kanluran, sa Negev, sa lupain ng Benjamin, sa mga lugar na nakapalibot sa Jerusalem at sa mga bayan ng Juda. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

14 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na tutuparin ko ang mga kabutihang ipinangako ko sa mga mamamayan ng Israel.

15 Sa panahong iyon, pamamahalain ko ang haring matuwid na mula sa angkan ni David. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa buong lupain.

16 At sa panahon ding iyon maliligtas ang mga taga-Juda at mamumuhay nang payapa ang mga taga-Jerusalem. Ang Jerusalem ay tatawaging, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ ”

17 Sinabi pa ng Panginoon, “Si David ay laging magkakaroon ng angkang maghahari sa mga mamamayan ng Israel.

18 At palagi ring magkakaroon ng mga pari na mga Levita na maglilingkod sa akin at mag-aalay ng mga handog na sinusunog, handog na pagpaparangal, at iba pang mga handog.”

19 At sinabi ng Panginoon kay Jeremias,

20 “Kung paanong hindi na mababago ang kasunduan ko sa araw at sa gabi na lalabas sila sa takdang oras,

21 ganyan din ang kasunduan ko kay David na lingkod ko, na palaging magkakaroon ng hari na manggagaling sa angkan niya. At ganoon din sa mga paring Levita, maglilingkod pa rin sila sa akin.

22 Pararamihin ko ang mga angkan ni David at mga Levita katulad ng mga bituin sa langit at buhangin sa dalampasigan.”

23 Sinabi pa ng Panginoon kay Jeremias,

24 “Hindi mo ba narinig na kinukutya ng mga tao ang mga mamamayan ko? Sinasabi nila, ‘Itinakwil ng Panginoon ang dalawang kaharian na hinirang niya.’ Kaya hinahamak nila ang mga mamamayan ko at hindi na nila ito itinuturing na bansa.

25 Pero sinasabi ko na hindi na mauulit ang aking kasunduan sa araw at sa gabi, at ang aking mga tuntunin na naghahari sa langit at lupa,

26 mananatili rin ang aking kasunduan sa mga lahi ni Jacob at kay David na lingkod ko. Hihirang ako mula sa angkan ni David na maghahari sa mga lahi nina Abraham, Isaac at Jacob. Kahahabagan ko sila at pababalikin sa kanilang sariling lupain mula sa pagkabihag.”

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51 52