1 May ipinakitang pangitain sa akin ang Panginoon pagkatapos bihagin ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Si Jehoyakin ay dinala sa Babilonia pati ang mga pinuno niya at ang mahuhusay na panday at manggagawa ng Juda. Sa pangitain ko, nakita ko ang dalawang basket na igos na nasa harap ng templo ng Panginoon.
2 Ang mga igos sa isang basket ay sariwa at maganda, hinog, at bagong pitas. Pero ang mga igos naman sa isang basket ay mga bulok at hindi na makain.
3 Pagkatapos, nagtanong sa akin ang Panginoon, “Jeremias, ano ang nakita mo?” Sumagot ako, “Mga igos po. Ang ibaʼy maganda at sariwa, pero ang iba ay bulok at hindi na makain.”
4 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon,
5 “Ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel ay nagsasabing ituturing kong parang magagandang igos ang mga Israelitang ipinabihag ko sa mga taga-Babilonia.
6 Iingatan ko sila para maging mabuti ang kalagayan nila at ibabalik ko sila sa lupaing ito. Muli ko silang itatayo at hindi na lilipulin. Patatatagin ko sila at hindi na bubunutin.
7 Bibigyan ko sila ng pusong kikilala sa akin na ako ang Panginoon. Magiging mamamayan ko sila, at akoʼy magiging kanilang Dios, dahil magbabalik-loob na sila sa akin ng taos-puso.
8 “Pero si Haring Zedekia ng Juda ay ituturing kong parang bulok na igos na hindi na makakain, pati ang mga pinuno niya at ang lahat ng Israelitang natitirang buhay sa Jerusalem o sa Egipto.
9 Gagawin ko silang kasuklam-suklam sa lahat ng kaharian sa buong mundo. Kukutyain at susumpain sila sa lahat ng bansa kung saan ko sila pangangalatin.
10 Padadalhan ko sila ng digmaan, gutom at sakit hanggang sa mamatay sila sa lupaing ibinigay ko sa kanila at sa mga ninuno nila.”