Jeremias 25 ASND

Ang 70 Taong Pagkabihag

1 Ang mensaheng ito ay para sa mga taga-Juda. Itoʼy ibinigay ng Panginoon kay Jeremias noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Ito naman ang unang taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia.

2 Sinabi ni Propeta Jeremias sa lahat ng taga-Juda at sa lahat ng naninirahan sa Jerusalem:

3 Sa loob ng 23 taon mula nang ika-13 taon ng paghahari ni Josia na anak ni Haring Ammon ng Juda hanggang ngayon, ang Panginoon ay nakikipag-usap sa akin. At patuloy ko namang sinasabi sa inyo ang ipinapasabi niya, pero hindi kayo nakinig.

4 At kahit na patuloy pang nagpapadala sa inyo ang Panginoon ng mga lingkod niyang propeta, hindi nʼyo pa rin pinansin at hindi rin kayo nakinig.

5 Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan nila, “Talikuran na ninyo ang mga masasama ninyong pag-uugali at gawain para patuloy kayong manirahan magpakailanman sa lupaing ito na ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.

6 Huwag kayong sasamba at maglilingkod sa mga dios, at huwag ninyo akong gagalitin sa pamamagitan ng mga dios-diosan na ginawa lang ninyo, para hindi ko kayo parusahan.”

7 Pero hindi kayo nakinig sa Panginoon. Lalo nʼyo pa nga siyang ginalit sa pamamagitan ng mga ginawa nʼyong dios-diosan. Kaya kayo na rin ang nagdala ng parusang ito sa sarili ninyo.

8 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Sapagkat hindi kayo nakinig sa mga sinabi ko,

9 ipapasalakay ko kayo sa mga sundalong galing sa hilaga na pinangungunahan ng lingkod kong si Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Lulusubin niya ang lupaing ito at ang mga mamamayan nito, pati ang lahat ng bansa sa palibot nito. Lilipulin ko kayo nang lubusan, at masisindak ang mga tao sa sinapit ninyo, at kukutyain kayo ng iba dahil mananatili kayong giba habang panahon.

10 Mawawala ang pagkakatuwaan at pagsasaya ninyo. Hindi na rin mapapakinggan ang pagsasaya ng mga bagong kasal. Wala nang gigiling ng trigo o magsisindi ng ilaw kung gabi.

11 Magiging mapanglaw ang lupaing ito. Ang bansang ito at ang mga bansa sa palibot ay maglilingkod sa hari ng Babilonia sa loob ng 70 taon.

12 “Pero pagkatapos ng 70 taon, parurusahan ko rin ang hari ng Babilonia pati ang mga mamamayan niya dahil sa mga kasalanan nila. At gagawin ko ring malungkot ang bansa nila sa habang panahon.

13 Ipapadama ko sa bansa nila ang lahat ng sinabi ko laban sa kanila at sa iba pang mga bansa ayon sa sinabi ni Jeremias na nakasulat sa aklat na ito.

14 Aalipinin sila ng maraming bansa at ng mga makapangyarihang hari. Parurusahan ko sila ayon sa mga ginawa nila.”

Ang Tasang Puno ng Galit ng Dios

15 Sinabi sa akin ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Kunin mo sa kamay ko ang tasang puno ng galit ko at ipainom mo sa lahat ng bansa na pagsusuguan ko sa iyo.

16 Kapag nainom nila ito, magpapasuray-suray sila na parang nauulol, dahil sa digmaan na ipapadala ko sa kanila.”

17 Kaya kinuha ko ang tasa sa kamay ng Panginoon at ipinainom ko sa lahat ng bansa kung saan niya ako isinugo.

18 Pinainom ko ang Jerusalem at ang mga bayan ng Juda pati ang mga hari at pinuno nila para mawasak sila. Masisindak ang mga tao sa mangyayari sa kanila. Kukutyain at susumpain sila gaya ng ginagawa sa kanila ngayon.

19 Pinainom ko rin ang Faraon na hari ng Egipto, ang mga tagapamahala at mga pinuno niya, at ang lahat ng mamamayan niya,

20 pati ang mga hindi Egipcio na naninirahan doon. Pinainom ko rin ang mga hari at mga mamamayan ng mga sumusunod na lugar: Ang Uz, ang mga lungsod ng Filistia, (na ang mga hari nito ang namahala sa Ashkelon, Gaza, Ekron, at Ashdod),

21 Edom, Moab, Ammon,

22 Tyre, Sidon, mga pulo sa ibayong dagat,

23 Dedan, Tema, Buz, ang mga nasa malalayong lugar,

24 Arabia, mga angkan sa ilang,

25 Zimri, Elam, Media,

26 ang mga bansa sa hilaga, malayo man o malapit, at ang lahat ng kaharian sa buong daigdig. At ang huling paiinumin ay ang Babilonia.

27 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Sabihin mo sa mga bansang ito na ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi: ‘Sige, uminom kayo sa tasa ng galit ko hanggang sa malasing, magsuka, at mabuwal kayo, at hindi na makabangon, dahil ipapadala ko sa inyo ang digmaan.’

28 “Pero kung ayaw nilang uminom, sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Makapangyarihan ay nagsasabi, ‘Kinakailangang uminom kayo!

29 Sinisimulan ko na ang pagpapadala ng kaparusahan sa Jerusalem, ang lungsod na pinili ko para sa kapurihan ko. Akala nʼyo baʼy hindi ko kayo parurusahan? Parurusahan ko kayo! Sapagkat paglalabanin ko ang lahat ng bansa sa buong daigdig. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’

30 “Jeremias, sabihin mo sa kanila ang lahat ng sinabi ko, at sabihin mo pa, ‘Sisigaw ang Panginoon mula sa langit; dadagundong ang tinig niya mula sa banal niyang tahanan. Sisigaw siya nang malakas sa mga hinirang niya. Sisigaw din siya sa lahat ng naninirahan sa daigdig na parang taong sumisigaw habang nagpipisa ng ubas.

31 Maririnig ang tinig niya sa buong daigdig, dahil ihahabla niya ang mga bansa. Hahatulan niya ang lahat, at ipapapatay niya sa digmaan ang masasama.’ Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

32 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Mag-ingat kayo! Ang kapahamakan ay darating sa ibaʼt ibang bansa na parang malakas na bagyo mula sa pinakamalayong bahagi ng mundo.”

33 Sa araw na iyon, maraming papatayin ang Panginoon at ang mga bangkay ay kakalat kahit saan sa buong daigdig. Wala ng magluluksa, magtitipon at maglilibing sa kanila. Pababayaan na lang sila na parang dumi lang sa ibabaw ng lupa.

34 Kayong mga pinuno, umiyak kayo nang malakas, at gumulong kayo sa lupa dahil sa kalungkutan. Sapagkat dumating na ang araw na papatayin kayo katulad ng pagkatay ng tupa. Madudurog kayo na parang mamahaling palayok na nabasag.

35 Wala kayong matatakbuhang lugar at hindi kayo makakatakas.

36 Maririnig ang iyakan at pagdaing nʼyo, dahil nilipol ng Panginoon ang mga mamamayan ninyo.

37 At dahil sa matinding galit ng Panginoon, magiging disyerto ang saganang pastulan.

38 Ang Panginoon ay parang leon na lumabas sa yungib nito para maghanap ng masisila. Magiging mapanglaw ang lupain nʼyo dahil sa pagsalakay ng kaaway, at dahil sa matinding galit ng Panginoon.

mga Kabanata

1 2 3 4 5 6 7 8 9 10 11 12 13 14 15 16 17 18 19 20 21 22 23 24 25 26 27 28 29 30 31 32 33 34 35 36 37 38 39 40 41 42 43 44 45 46 47 48 49 50 51 52