1 Si Zedekia ay 21 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.
2 Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Haring Jehoyakim.
3 Sa galit ng Panginoon, pinalayas niya sa harapan niya ang mga taga-Jerusalem at taga-Juda.At ngayon, nagrebelde si Zedekia sa hari ng Babilonia.
4 Kaya noong ikasiyam na taon ng paghahari niya, nang ikasampung araw ng ikasampung buwan, sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia at ang kanyang buong hukbo sa Jerusalem. Nagkampo sila sa labas ng lungsod at nagtambak ng lupa sa tabi ng pader para roon sila dumaan sa pagpasok nila sa lungsod.
5 Pinalibutan nila ang lungsod hanggang ika-11 taon ng paghahari ni Zedekia.
6 Noong ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan ng taon ding iyon, matindi na ang taggutom sa lungsod at wala nang makain ang mga tao.
7 Winasak na ng mga taga-Babilonia ang isang bahagi ng pader ng lungsod, kaya naisip ni Zedekia na tumakas kasama ang kanyang buong hukbo. Pero dahil sa napalibutan na sila ng mga taga-Babilonia, naghintay sila hanggang sa gumabi. Doon sila dumaan sa pintuan na nasa pagitan ng dalawang pader malapit sa halamanan ng hari. Tumakas sila patungo sa Lambak ng Jordan.
8 Pero hinabol sila ng mga sundalo ng Babilonia at inabutan sila sa kapatagan ng Jerico. Humiwalay kay Zedekia ang lahat ng sundalo niya
9 at siyaʼy nahuli. Dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla, sa lupain ng Hamat, at doon siya hinatulan.
10 Pagkatapos, doon sa Ribla sa harap mismo ni Zedekia, pinatay ng hari ng Babilonia ang anak na lalaki ni Zedekia, at ang lahat ng pinuno ng Juda.
11 At ipinadukit ng hari ang mga mata ni Zedekia, ikinadena siya at dinala sa Babilonia. Doon siya ikinulong hanggang sa siyaʼy mamatay.
12 Noong ikasampung araw ng ikalimang buwan, nang ika-19 na taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia, pumunta sa Jerusalem si Nebuzaradan na pinuno ng mga guwardya ng hari sa Babilonia.
13 Sinunog niya ang templo ng Panginoon, ang palasyo, ang lahat ng bahay sa Jerusalem, at ang lahat ng mahahalagang gusali.
14 Sa pamamahala niya, giniba ng mga sundalo ng Babilonia ang mga pader na nakapalibot sa Jerusalem.
15 At dinala niyang bihag ang mga natitirang tao sa lungsod, pati na ang ilang pinakadukhang mga tao at ang mga taong kumampi sa hari ng Babilonia.
16 Pero iniwan din niya ang ilan sa pinakadukhang mga tao para alagaan ang mga ubasan at mga bukirin.
17 Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga sumusunod na kagamitan sa templo ng Panginoon: ang haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-igib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila sa Babilonia ang lahat ng tanso.
18 Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga pamputol sa mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo.
19 Kinuha ni Nebuzaradan ang mga planggana, mga lalagyan ng baga, mga mangkok, mga palayok, mga lalagyan ng ilaw, mga tasa at mga mangkok na ginagamit sa pag-aalay ng handog na inumin, at iba pang kagamitang gawa sa ginto at pilak.
20 Hindi kayang timbangin ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa lalagyan ng tubig na tinatawag nilang Dagat, sa 12 torong tanso na patungan nito at mga karitong ginagamit sa pag-igib ng tubig. Ang mga gamit na itoʼy ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon.
21 Ang taas ng bawat haligi ay 27 talampakan at ang kabuuang bilog ay 18 talampakan, may butas ito sa gitna, at ang kapal ng tanso ay apat na pulgada.
22 Ang bawat haligi ay may parang ulo sa itaas, na nasa pitoʼt kalahating talampakan ang taas. Pinaikutan ito ng mga mala-kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ito ng palamuting tanso, na hugis prutas na pomegranata.
23 Sa gilid ng bawat haligi ay may 96 na palamuti na kahugis ng prutas ng pomegranata na nakapaikot sa kadenang magkakakabit sa parang ulo ng haligi.
24 Binihag din ni Nebuzaradan sina Seraya na punong pari, Zefanias na pangalawang punong pari at ang tatlong tagapagbantay ng pinto ng templo.
25 Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang pitong tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.
26 Silang lahat ay dinala ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,
27 na sakop ng Hamat. At doon sila ipinapatay ng hari.Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
28-30 Ito ang bilang ng mga taong binihag ni Haring Nebucadnezar:Noong ikapitong taon ng paghahari niya, 3,023.Noong ika-18 taon ng paghahari niya, 832.Noong ika-23 taon ng paghahari niya, 745. Si Nebuzaradan ang bumihag sa kanila. May kabuuang bilang na 4,600 ang binihag.
31 Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-25 araw ng ika-12 buwan nang taon na iyon.
32 Mabait siya kay Haring Jehoyakin at pinarangalan niya ito ng higit kaysa sa ibang mga hari na bihag din doon sa Babilonia.
33 Kaya hindi na nagsuot si Haring Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari.
34 At bawat araw, binibigyan siya ng hari ng Babilonia ng kanyang mga pangangailangan hanggang sa siya ay namatay.