1 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa palasyo ng hari ng Juda at sabihin mo ito:
2 O hari ng Juda, na angkan ni David, kayong mga namamahala at mga mamamayang dumadaan sa mga pintuan dito, pakinggan nʼyo ang mensaheng ito ng Panginoon:
3 Pairalin nʼyo ang katarungan at katuwiran. Tulungan nʼyo ang mga ninakawan, iligtas nʼyo sila sa kamay ng mga taong umaapi sa kanila. Huwag nʼyong pagmamalupitan o sasaktan ang mga dayuhan, ulila at mga biyuda. Huwag din kayong papatay ng mga taong walang kasalanan.
4 Kung susundin nʼyo ang mga utos kong ito, mananatiling maghahari sa Jerusalem ang angkan ni David. Ang hari, kasama ng kanyang mga pinuno at mga mamamayan ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at kabayo na papasok sa pintuan ng palasyo.
5 Pero kung hindi nʼyo susundin ang mga utos kong ito, isinusumpa ko sa sarili ko na mawawasak ang palasyong ito.”
6 Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa palasyo ng hari ng Juda:“Para sa akin, kasingganda ka ng Gilead o ng tuktok ng bundok ng Lebanon. Pero gagawin kitang parang disyerto, na tulad ng isang bayan na walang naninirahan.
7 Magpapadala ako ng mga taong gigiba sa iyo. Ang bawat isa sa kanilaʼy magdadala ng mga gamit-panggiba. Puputulin nila ang iyong mga haliging sedro at ihahagis sa apoy.
8 Ang mga taong galing sa ibaʼt ibang bansa na dadaan sa lungsod na ito ay magtatanungan, ‘Bakit kaya ginawa ito ng Panginoon sa dakilang lungsod na ito?’
9 At ito ang isasagot sa kanila, ‘Dahil itinakwil nila ang kasunduan nila sa Panginoon na kanilang Dios, at sumamba sila at naglingkod sa mga dios-diosan.’ ”
10-11 Mga taga-Juda, huwag kayong umiyak sa pagpanaw ni Haring Josia. Sa halip, umiyak kayo nang lubos para sa anak niyang si Jehoahaz na pumalit sa kanya bilang hari ng Juda. Sapagkat binihag siya at hindi na siya makakabalik pa. Kaya hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito na sinilangan niya. Sapagkat ang Panginoon ang nagsabi na hindi na siya makakabalik.
12 Mamamatay siya sa lupain kung saan siya dinalang bihag. Hindi na niya makikita pang muli ang lupaing ito.
13 Nakakaawa ka Jehoyakim, nagtayo ka ng iyong palasyo sa pamamagitan ng masamang paraan. Pinagtrabaho mo ang iyong kapwa nang walang sweldo.
14 Sinabi mo, “Magtatayo ako ng palasyong malalaki ang silid sa itaas. Palalagyan ko ito ng malalaking bintana at dingding ng tablang sedro. At pagkatapos, papipinturahan ko ng pula.”
15 Akala mo ba magiging dakila kang hari kung magtatayo ka ng palasyong gawa sa sedro? Bakit ayaw mong sundin ang iyong ama? Matuwid at makatarungan ang mga ginawa niya; kaya namuhay siya nang maunlad at payapa ang kalagayan.
16 Ipinagtanggol niya ang karapatan ng mga dukha at ng mga nangangailangan, kaya naging mabuti ang lahat para sa kanya. Ganyan ang tamang pagkilala sa akin.
17 Pero ikaw, wala kang ibang hinahangad kundi ang makapandaya, pagpatay ng mga taong walang kasalanan, pang-aapi, at karahasan.
18 Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol kay Haring Jehoyakim ng Juda, na anak ni Josia, “Walang magluluksa para sa kanya kapag namatay siya. Ang sambahayan niya, ang mga pinuno niya at ang ibang mga tao ay hindi magluluksa para sa kanya.
19 Ililibing siya katulad ng paglilibing sa patay na asno; kakaladkarin ang bangkay niya at itatapon sa labas ng pintuan ng Jerusalem.
20 “Mga taga-Juda, umiyak kayo dahil wala na kayong mga kakamping bansa. Hanapin nʼyo sila sa Lebanon. Tawagin nʼyo sila sa Bashan at Abarim.
21 Binigyan ko kayo ng babala noong nasa mabuti pa kayong kalagayan, pero hindi kayo nakinig. Talagang ganyan na ang ugali nʼyo mula noong bata pa kayo; hindi kayo sumusunod sa akin.
22 Kaya pangangalatin ko ang mga pinuno nʼyo na parang ipa na tinatangay ng hangin, at bibihagin din ang mga kakampi nʼyong bansa. Talagang mapapahiya kayo dahil sa kasamaan ninyo.
23 “Kayong mga nakatira sa palasyo ng Jerusalem na gawa sa kahoy na sedro mula sa Lebanon, kahabag-habag kayo kapag dumating na sa inyo ang paghihirap, na parang babaeng naghihirap sa panganganak.
24 “Ako, ang buhay na Panginoon, ay sumusumpa na itatakwil kita, Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim. Kahit para kang singsing sa aking kanang kamay na tanda ng kapangyarihan ko, tatanggalin kita sa daliri ko.
25 Ibibigay kita sa mga nais pumatay sa iyo na kinatatakutan mo. Ibibigay kita kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia at sa mga kawal niya.
26 Ikaw at ang iyong ina ay ipapatapon ko sa ibang bansa at doon kayo mamamatay.
27 At hindi na kayo makakabalik sa lupaing ninanais nʼyong balikan.
28 Jehoyakin, para kang basag na palayok na hindi na mapapakinabangan. Kaya itatapon ko kayo ng mga anak mo sa bansang hindi nʼyo alam.”
29 O lupain ng Juda, pakinggan mo ang salita ng Panginoon.
30 Sapagkat ito ang sinasabi niya, “Isulat nʼyo na ang taong ito na si Jehoyakin na parang walang anak, sapagkat wala ni isa man sa kanyang mga anak ang luluklok sa trono ni David bilang hari ng Juda. At hindi rin siya magtatagumpay sa pamumuhay niya.”