1 Ito ang sinabi ng Panginoon kay Jeremias tungkol sa Babilonia at sa mga mamamayan nito:
2 “Ipahayag sa mga bansa ang balita nang walang inililihim! At itaas ang watawat na tanda ng pagkawasak ng Babilonia! Madudurog at mapapahiya ang mga dios-diosan niya pati na ang dios-diosang si Bel at Marduk.
3 Sapagkat sasalakayin ang Babilonia ng isang bansa mula sa hilaga, at magiging mapanglaw ang lugar na ito. Wala nang maninirahan dito dahil tatakas ang mga mamamayan niya pati ang mga hayop.
4 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay iiyak na lalapit sa akin, ang Panginoon na kanilang Dios.
5 Magtatanong sila ng daan papuntang Jerusalem at pupunta sila roon. Gagawa sila ng walang hanggang kasunduan sa akin at hindi na nila ito kakalimutan.
6 “Ang mga mamamayan ko ay parang mga tupang naliligaw. Pinabayaan sila ng mga pastol nila roon sa kabundukan at kaburulan at hindi na nila alam ang daan pauwi.
7 Sinasakmal sila ng mga nakakakita sa kanila. Sinasabi ng mga kaaway nila, ‘Nagkasala sila sa Panginoon na siyang tunay nilang kapahingahan at pag-asa ng mga ninuno nila kaya wala tayong kasalanan sa ating pagsalakay sa kanila.’
8 “Tumakas kayo mula sa Babilonia! Iwanan na ninyo ang bansang iyan! Mauna na kayong tumakas katulad ng mga kambing na nangunguna sa mga kawan!
9 Sapagkat ipapasalakay ko ang Babilonia sa alyansa ng mga makapangyarihang bansa mula sa hilaga. Sasalakayin nila ang Babilonia at masasakop nila ito. Bihasa ang mga tagapana nila at walang mintis ang kanilang pagpana.
10 Sasamsamin nila ang mga ari-arian ng Babilonia at talagang magsasawa sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
11 “Mga taga-Babilonia, sinamsam nʼyo ang pag-aari ng mga mamamayan ko. Tuwang-tuwa kayo at masaya na parang dumalagang baka sa pastulan o kabayong humahalinghing.
12 Pero ilalagay ko sa kahihiyan ang inyong bansa. Magiging pinakaaba ito sa lahat ng bansa, at magiging isa itong mapanglaw at disyerto.
13 Dahil sa aking poot, wala nang maninirahan sa Babilonia at magiging mapanglaw ito. Masisindak at mangingilabot ang lahat ng dadaan dito dahil sa lahat ng nangyari sa bansang ito.
14 “Kayong mga tagapana, humanay na kayo sa pwesto nʼyo sa palibot ng Babilonia. Panain nʼyo siya dahil nagkasala siya sa Panginoon.
15 Sumigaw kayo laban sa kanya sa lahat ng dako! Tingnan nʼyo! Sumuko na ang Babilonia! Nawawasak na ang mga tore niya at gumuho na ang mga pader niya. Ang Panginoon ang naghiganti sa kanya. Kaya paghigantihan ninyo siya at gawin ninyo sa kanya ang ginawa niya sa iba.
16 Paalisin ninyo sa Babilonia ang mga nagtatanim at nag-aani. Iligtas ninyo ang mga bihag sa espada ng mga kaaway at patakasin ninyo sila at pauwiin sa sarili nilang lupain.
17 “Ang mga Israelita ay parang mga tupang nagkalat na hinahabol ng mga leon. Una, sinakmal sila ng hari ng Asiria, pagkatapos ang pinakahuling ngumatngat ng mga buto nila ay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia.
18 “Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabi, ‘Parurusahan ko si Haring Nebucadnezar at ang Babilonia katulad ng pagpaparusa ko sa hari ng Asiria.
19 Pero pababalikin ko ang mga Israelita sa bansa nila. Magiging parang mga tupa silang nanginginain sa kabundukan ng Carmel at sa kapatagan ng Bashan, at sa kaburulan ng Efraim at Gilead, at mabubusog sila.
20 Sa mga araw na iyon, wala nang makikitang mga kasalanan at pagsuway sa mga natitirang mga mamamayan ng Israel at Juda dahil patatawarin ko na sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
21 Sinabi pa ng Panginoon, “Salakayin nʼyo ang Merataim at ang Pekod. Patayin ninyo sila at lipulin nang lubusan bilang handog para sa akin. Gawin ninyo ang lahat ng iniuutos ko sa inyo.
22 Iparinig nʼyo ang sigawan ng labanan at ingay ng puspusang pangwawasak.
23 Ang Babilonia ay parang martilyong dumurog ng mga bansa, pero ngayon siya na ang nadurog. Nakita ng mga bansa kung paano nawasak ang Babilonia!
24 “O Babilonia, nahuli ka sa bitag na inilagay ko para sa iyo. Nahuli ka dahil lumaban ka sa akin.
25 Binuksan ko ang aking taguan ng mga armas at inilabas ko ang mga sandata dahil sa aking galit. Sapagkat ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan ay may gagawin sa iyo, O Babilonia.
26 “Mga kalaban ng Babilonia, na nasa malayong lugar, salakayin nʼyo na ang Babilonia! Buksan nʼyo ang mga bodega niya. Ipunin nʼyo ang mga nasamsam nʼyo katulad ng trigo. Lipulin nʼyong lubos ang mga taga-Babilonia at huwag kayong magtitira kahit isa.
27 Patayin ninyo ang lahat ng kanilang mga kawal na tulad sa batang toro. Patayin ninyo silang lahat. Nakakaawa sila dahil dumating na ang panahon na dapat silang parusahan.
28 “Pakinggan nʼyo ang mga taong nakatakas sa Babilonia habang isinasalaysay nila sa Jerusalem kung paano naghiganti ang Panginoon na ating Dios dahil sa ginawa ng mga taga-Babilonia sa templo natin.
29 “Ipatawag nʼyo ang mga tagapana para sumalakay sa Babilonia! Palibutan nʼyo para walang makatakas. Paghigantihan nʼyo siya sa ginawa niya; gawin nʼyo sa kanya ang ginawa niya sa iba dahil kinalaban niya ang Panginoon, ang Banal na Dios ng Israel.
30 Sa mga araw na iyon, mamamatay sa mga lansangan ang mga kabataan niyang lalaki pati ang lahat niyang kawal.
31 “Ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ay nagsasabing kalaban kita, Babiloniang mapagmataas! Dumating na ang araw na parurusahan kita.
32 Ikaw na palalo ay mawawasak at walang tutulong sa iyo para ibangon ka. Susunugin ko ang mga bayan mo at ang lahat ng nasa paligid nito.”
33 Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Inaapi ang mga mamamayan ng Israel at Juda. Binihag sila at binantayang mabuti para hindi sila makauwi sa bayan nila.
34 Pero ako ang kanilang Manunubos, Panginoong Makapangyarihan ang pangalan ko. Ipagtatanggol ko sila at bibigyan ng kapayapaan, pero guguluhin ko ang mga mamamayan ng Babilonia.
35 “Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing ang espada ng kapahamakan ay tatama sa mga taga-Babilonia pati sa mga pinuno at matatalinong tao niya.
36 Tatama rin ito sa kanyang mga bulaang propeta at magiging mga mangmang sila. Tatama rin ito sa mga sundalo niya at matatakot sila!
37 Tatama ito sa kanyang mga kabayo, karwahe, at sa lahat ng kumakampi sa kanya. At manghihina sila na parang babae! Tatama rin ito sa mga kayamanan niya at sasamsamin itong lahat.
38 Matutuyo ang lahat ng pinagkukunan niya ng tubig! Sapagkat ang Babilonia ay lugar na punong-puno ng napakaraming dios-diosan – mga dios-diosang nagliligaw sa mga tao.
39 “At ang Babilonia ay titirhan na lang ng mga hayop sa gubat, mababangis na hayop, mga asong-gubat, at mga kuwago. At hindi na titirhan ng tao ang Babilonia magpakailanman.
40 Kung paanong winasak ng Dios ang Sodom at Gomora, at ang mga bayan sa palibot nito, ganoon din ang mangyayari sa Babilonia. Wala nang maninirahan doon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
41 “Tingnan ninyo! May mga sundalong dumarating mula sa hilaga. Isang makapangyarihang bansa mula sa malayong lupain na lalaban sa Babilonia.
42 Ang dala nilang mga sandata ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nilaʼy parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila na handang-handa para salakayin kayong mga taga-Babilonia.
43 Nabalitaan ito ng hari ng Babilonia at nanlupaypay siya. Nakaramdam siya ng takot at sakit katulad ng babaeng manganganak na.
44 “Bigla kong sasalakayin ang Babilonia katulad ng leon na galing sa kagubatan malapit sa Ilog ng Jordan, sasalakay patungo sa pastulan ng maraming tupa. Magsisitakas sila, at pipili ako ng taong mamamahala sa Babilonia. Sino ang maitutulad sa akin? Sino ang mangangahas na kalabanin ako? Sino ang pinunong makakalaban sa akin?
45 Kaya pakinggan mo ang balak kong gawin laban sa Babilonia. Kahit ang mga anak nilaʼy bibihagin at ang mga bahay nilaʼy gigibain.
46 Sa pagbagsak ng Babilonia, yayanig ang lupa at maririnig sa ibang bansa ang iyakan nila.”