15 Gumawa ng maraming kasamaan ang mga mamamayan na minamahal ko. Wala silang karapatang pumunta sa templo ko. Hindi mapipigilan ng mga handog nila ang kaparusahang darating sa kanila. Tuwang-tuwa pa sila sa paggawa ng masama.”
16 Noong una ay inihambing sila ng Panginoon sa isang malagong puno ng olibo na maraming bunga. Pero sa biglang pagdaan ng naglalagablab na apoy ay mawawasak sila na parang sinunog na mga sanga at hindi na mapapakinabangan pa.
17 Ang Panginoong Makapangyarihan ang nagtayo sa Juda at Israel, pero ngayon ay iniutos niyang wasakin ang mga ito, dahil masama ang ginagawa nila. Ginalit nila ang Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog ng mga sinusunog na insenso kay Baal.
18 Sinabi sa akin ng Panginoon ang tungkol sa balak ng mga kaaway laban sa akin.
19 Tulad ako ng isang tupang dinadala sa katayan nang hindi ko nalalaman. Hindi ko alam na may balak pala silang patayin ako. Sinabi nila, “Patayin natin siya katulad ng pagputol sa isang puno na may mga bunga, para mawala siya sa mundo at hindi na maalala.”
20 Pero nanalangin ako, “O Panginoong Makapangyarihan, matuwid po ang paghatol ninyo. Nalalaman po ninyo ang isip at puso ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila, dahil ipinaubaya ko sa inyo ang usaping ito!”
21-22 Nais ng mga taga-Anatot na patayin ako kung hindi ako titigil sa pagpapahayag ng mensahe ng Panginoon. Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Parurusahan ko sila. Mamamatay sa digmaan ang mga kabataan nilang lalaki at mamamatay sa gutom ang mga anak nila.