4 Ang mga utos kong ito ay ipinatupad ko sa inyong mga ninuno noong inilabas ko sila sa Egipto, sa lugar na parang nagniningas na pugon na tunawan ng bakal. Sinabi ko sa kanila, ‘Kung susundin ninyo ako at ang lahat ng utos ko, magiging mga mamamayan ko kayo at akoʼy magiging Dios ninyo.
5 Nang sa ganoon, tutuparin ko ang aking ipinangako sa inyong mga ninuno na bibigyan ko sila ng maganda at masaganang lupain – ang lupaing tinitirhan ninyo ngayon.’ ”At sinabi ko, “Siya nawa, Panginoon.”
6 Pagkatapos, muling sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem at sabihin mo ito: ‘Alalahanin ninyo ang kasunduan ninyo at sundin ninyo ang isinasaad sa kasunduang ito.
7 Mula nang inilabas ko ang mga ninuno ninyo sa Egipto hanggang ngayon, paulit-ulit ko silang pinagsasabihan na dapat nila akong sundin.
8 Pero hindi sila nakinig at hindi nila pinansin ang sinabi ko. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. Sinabi ko sa kanila na sundin nila ang kasunduang ito, pero hindi nila ito sinunod. Kaya ipinadala ko sa kanila ang lahat ng sumpa na nakasaad sa kasunduan.’ ”
9 Muling sinabi ng Panginoon sa akin, “Ang mga taga-Juda at taga-Jerusalem ay may balak na masama laban sa akin.
10 Tinularan nila ang mga kasalanan ng mga ninuno nilang hindi naniwala sa mga salita ko. Sumamba rin sila sa mga dios-diosan. Ang mga mamamayan ng Israel at Juda ay parehong sumuway sa kasunduang ginawa ko sa mga ninuno nila.