1 Sinabi pa sa akin ng Panginoon,
2 “Huwag kang mag-aasawa o magkakaanak man sa lupaing ito.
3 Sasabihin ko sa iyo kung bakit, at kung ano ang mangyayari sa mga batang ipapanganak sa lugar na ito at sa mga magulang nila.
4 Mamamatay sila dahil sa malubhang karamdaman. Walang magluluksa sa kanila o maglilibing ng mga bangkay nila. Kakalat ang mga bangkay nila sa lupain na parang mga dumi. May mga mamamatay sa digmaan at taggutom, at ang mga bangkay nilaʼy kakainin ng mga ibon at mababangis na hayop.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Huwag kang papasok sa mga bahay na may mga patay. Huwag kang makikidalamhati sa kanila o magpapakita ng pagkahabag sa kaninuman. Sapagkat inalis ko na ang pag-ibig at pagkahabag ko sa mga taong ito.
6 Mamamatay sila sa lupaing ito, mayaman man o dukha, at walang maglilibing sa kanila. Walang taong susugat sa sarili nila o magpapakalbo para ipahayag ang pagluluksa nila sa mga namatay.
7 Walang magbibigay ng pagkain o inumin para aliwin ang mga nagdadalamhati, kahit na ama o ina ang namatay.