1 Ang paring si Pashur na anak ni Imer, ang pinakamataas na opisyal sa templo ng Panginoon nang panahong iyon. Nang marinig niya ang mga sinabi ni Jeremias,
2 pinabugbog niya ito at ipinabilanggo sa may pintuan ng templo ng Panginoon na tinatawag na Pintuan ni Benjamin.
3 Kinaumagahan, pinalabas ni Pashur si Jeremias. Sinabi ni Jeremias sa kanya, “Pashur, pinalitan na ng Panginoon ang pangalan mo. Tatawagin ka na ngayong Magor Misabib.
4 Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon: Katatakutan mo ang kalagayan mo at ang kalagayan ng lahat ng kaibigan mo. Makikita mo silang papatayin ng mga kaaway nila sa digmaan. Ibibigay ko ang buong Juda sa hari ng Babilonia. Ang ibang mamamayan ay papatayin, at ang iba namaʼy bibihagin.
5 Ipapasamsam ko sa mga kaaway ang lahat ng kayamanan ng lungsod ng Jerusalem – lahat ng pinaghirapan nila, lahat ng mamahaling bagay at ang lahat ng kayamanan ng hari ng Juda. Dadalhin nila ang lahat ng iyon sa Babilonia.
6 Pati ikaw Pashur at ang buong sambahayan mo ay bibihagin at dadalhin sa Babilonia. At doon ka mamamatay at ililibing, pati ang lahat ng kaibigan mo na hinulaan mo ng kasinungalingan.”