10 Narinig ko ang pangungutya ng mga tao. Inuulit nila ang mga sinasabi kong, “Nakakatakot ang nakapalibot sa atin!” Sinasabi pa nila, “Ipamalita natin ang kanyang kasinungalingan!” Pati ang mga kaibigan koʼy naghihintay ng pagbagsak ko. Sinasabi nila, “Baka sakaling madaya natin siya. Kung mangyayari iyon, magtatagumpay tayo at mapaghihigantihan natin siya.”
11 Pero kasama ko po kayo, Panginoon. Para kayong sundalo na matapang at makapangyarihan, kaya hindi magtatagumpay ang mga umuusig sa akin. Mapapahamak sila at mapapahiya, at kahit kailan, hindi makakalimutan ang kahihiyan nila.
12 O Panginoong Makapangyarihan, nalalaman nʼyo po kung sino ang matuwid dahil alam nʼyo ang nasa puso at isip ng tao. Ipakita nʼyo po sa akin ang paghihiganti nʼyo sa kanila dahil ipinaubaya ko na po sa inyo ang usaping ito.
13 Panginoon, magpupuri at aawit po ako sa inyo ngayon dahil iniligtas nʼyo ang mga nangangailangan mula sa kamay ng masasamang tao.
14 Pero isinusumpa ko ang araw na akoʼy isinilang! Hindi ko ikinagagalak ang araw na ipinanganak ako ng aking ina!
15 Isinusumpa ko ang nagbalita sa aking ama na, “Lalaki ang anak mo!” na siyang ikinagalak ng aking ama.
16 Nawaʼy ang taong iyon ay maging katulad ng mga bayan na winasak ng Panginoon at hindi kinahabagan. Nawaʼy maghapon niyang mapakinggan ang sigaw at daing ng mga tao sa digmaan.