1-2 Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo.
3 Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.
4 Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito.
6 Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.