3 Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon.
4 Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
5 Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito.
6 Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’ At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.
7 “Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’
8 Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”
9 Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila.