1 “Kung ang isang babae ay hiniwalayan ng kanyang asawa at ang babaeng ito ay mag-asawang muli, hindi na siya dapat bawiin ng kanyang unang asawa, dahil magpaparumi ito nang lubos sa inyong lupain. Kayong mga taga-Israel ay namumuhay na parang isang babaeng bayaran. Marami kayong minamahal na mga dios-diosan. Sa kabila ng lahat ng ito, tatawagin ko pa rin kayo na magbalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
2 “Tingnan ninyo ang matataas na lugar kung saan kayo sumasamba sa inyong mga dios-diosan. May mga lugar pa ba roon na hindi ninyo dinungisan? Pinarumi ninyo ang lupain dahil sa kasamaan ninyo. Para kayong babaeng bayaran na nakaupo sa tabi ng daan at naghihintay ng lalaki. Tulad din kayo ng isang mapagsamantalang tao na naghihintay ng mabibiktima niya sa ilang.
3 Iyan ang dahilan kung bakit hindi umuulan sa panahon ng tag-ulan. Pero sa kabila nito, matigas pa rin ang ulo ninyo gaya ng babaeng bayaran na hindi na nahihiya.
4 At ngayon sinasabi ninyo sa akin, ‘Ama ko, kayo po ay kasama ko mula noong bata pa ako.
5 Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”
6 Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya.
7 Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda.