13 Aminin mo lang ang iyong kasalanan na naghimagsik ka sa akin, ang Panginoon na iyong Dios, at sumunod ka sa ibang mga dios sa pamamagitan ng pagsamba sa kanila sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Aminin mo na hindi ka sumunod sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”
14 Sinabi pa ng Panginoon, “Magbalik na kayo, kayong mga suwail na mga anak, dahil akin kayo. Kukunin ko ang isa o dalawa sa inyo mula sa bawat bayan o angkan at dadalhin sa Israel.
15 Pagkatapos, bibigyan ko kayo ng pinuno na gusto kong mamumuno sa inyo na may kaalaman at pang-unawa.
16 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi na pagdating ng araw na marami na kayo sa lupaing iyon, hindi na ninyo hahanap-hanapin ang Kahon ng Kasunduan, ni iisipin o aalalahanin ito. At hindi na rin ninyo kailangang gumawa pa ng panibago nito.
17 Sa panahong iyon, tatawagin nʼyo ang Jerusalem na ‘Trono ng Panginoon.’ At ang lahat ng bansa ay magtitipon sa Jerusalem para parangalan ang pangalan ng Panginoon. Hindi na nila susundin ang nais ng matitigas at masasama nilang puso.
18 Sa panahong iyon, ang mga mamamayan ng Juda at ng Israel ay magkasamang babalik mula sa pagkabihag sa hilaga pauwi sa lupaing ibinigay ko sa mga magulang nila bilang mana.
19 Ako mismo ang nagsasabi, ‘Natutuwa ako na ituring kayong mga anak ko at bigyan ng magandang lupain na pinakamagandang pamana sa buong mundo.’ At akala koʼy tatawagin ninyo akong ‘Ama’ at hindi na kayo hihiwalay sa akin.