5 Palagi na lang ba kayong galit sa akin? Hanggang kailan pa po ba kayo magagalit sa akin?’ Ito ang sinasabi ninyo, pero ginagawa naman ninyo ang lahat ng masama na magagawa ninyo.”
6 Noong panahon ng paghahari ni Josia, sinabi sa akin ng Panginoon, “Nakita mo ba ang ginawa ng taksil na Israel? Sumamba siya sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Para siyang babaeng nangangalunya.
7 Akala ko, pagkatapos niyang magawa ang lahat ng ito, babalik na siya sa akin, pero hindi siya bumalik. At nakita ito ng taksil niyang kapatid na walang iba kundi ang Juda.
8 Hiniwalayan ko ang Israel at pinalayas dahil sa pangangalunya sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan. Pero sa kabila nito, nakita ko ang taksil niyang kapatid na Juda ay hindi man lang natakot. Nangalunya rin siya
9 sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosang bato at kahoy, kaya dinungisan niya ang lupain. Hindi siya nababahala sa pagsamba sa mga dios-diosan.
10 At ang pinakamasama pa, hindi taos-pusong bumalik sa akin ang taksil na Juda. Pakunwari lang siya na bumalik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
11 Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Kahit hindi tapat sa akin ang Israel mas mabuti pa rin siya kaysa sa taksil na Juda.