Jeremias 34:11-18-19 ASND

11 Pero sa bandang huli, nagbago ang isip nila at inalipin nila ulit ang mga aliping pinalaya nila.

12-13 Kaya sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Gumawa ako ng kasunduan sa mga ninuno nʼyo noong pinalaya ko sila sa lupain ng Egipto, sa lugar kung saan sila inalipin. Sinabi ko sa kanila,

14 ‘Sa tuwing darating ang ikapitong taon, kailangang palayain ninyo ang kapwa ninyo Hebreo na ipinagbili sa inyo bilang alipin. Kailangan ninyo silang palayain pagkatapos nilang maglingkod sa inyo ng anim na taon.’ Pero hindi ako sinunod ng mga ninuno ninyo.

15 Noong nakalipas na mga araw, nagsisi kayo at ginawa nʼyo ang matuwid sa paningin ko. Pumayag kayong lahat na palayain ang mga kababayan nʼyo na inyong inalipin. Gumawa pa kayo ng kasunduan sa akin tungkol dito doon mismo sa templo kung saan nʼyo pinararangalan ang pangalan ko.

16 Pero nagbago ang inyong mga isip at inilagay ninyo ako sa kahihiyan. Inalipin ulit ninyo ang mga alipin na inyong pinalaya, pinilit uli ninyo silang maging alipin.

17 “Kaya ako, ang Panginoon ay nagsasabing dahil hindi ninyo ako sinunod at hindi ninyo pinalaya ang inyong mga alipin na mga kababayan ninyo, bibigyan ko kayo ng kalayaan – ang kalayaan na mamatay sa digmaan, sa gutom at sa sakit. Kayoʼy gagawin kong kasuklam-suklam sa paningin ng lahat ng kaharian sa daigdig.

18-19 Ang mga pinuno ng Juda at Jerusalem, at ang mga namamahala sa palasyo, pati ang mga pari at ang mga mamamayan ay nakipagkasundo sa akin, at pinatunayan ito sa pamamagitan ng paghati ng guya, at ang bawat isaʼy dumaan sa pagitan nito. Pero hindi nila tinupad ang nakasaad doon sa kasunduan kaya gagawin ko sa kanila ang ginawa nila sa guyang pinatay at hinati.