1 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Jerusalem, pumunta kayo sa mga lansangan nʼyo! Tingnan nʼyo ang mga plasa ninyo! Kung may makikita kayong matuwid at tapat, patatawarin ko ang lungsod ninyo.
2 Kahit ginagamit nʼyo ang pangalan ko sa pagsumpa nʼyo, nagsisinungaling pa rin kayo.”
3 Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoon, naghahanap po kayo ng taong tapat. Sinaktan nʼyo po ang inyong mga mamamayan pero balewala ito sa kanila. Pinarusahan nʼyo sila pero ayaw nilang magpaturo. Pinatigas nila ang kanilang mga puso at ayaw nilang magsisi.
4 “Akala ko po, mga dukha sila at mga walang pinag-aralan, pero mga hangal pala sila. Sapagkat hindi nila alam ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.
5 Kaya pupuntahan ko po ang mga pinuno nila at kakausapin ko sila. Tiyak na mauunawaan nila ang pamamaraan na ipinapagawa sa kanila ng Panginoon na kanilang Dios.” Pero tumanggi rin po silang sumunod sa mga ipinapagawa ng Dios.
6 Kaya sasalakayin sila ng mga kaaway nila na parang leon na nanggaling sa kagubatan, o katulad ng isang asong lobo na galing sa ilang, o parang leopardong nagbabantay malapit sa bayan para silain ang sinumang lumabas. Mangyayari ito sa kanila dahil naghihimagsik sila sa Dios at maraming beses nang tumalikod sa kanya.
7 Sinabi sa kanila ng Panginoon, “Bakit ko kayo patatawarin? Pati ang mga anak ninyo ay itinakwil ako at sumumpa sa pangalan ng hindi tunay na dios. Ibinigay ko ang mga pangangailangan nila, pero nagawa pa rin nila akong pagtaksilan at nagsisiksikan pa sila sa bahay ng mga babaeng bayaran.