19 At kung may magtatanong, ‘Bakit ginawa ng Panginoon na ating Dios ang lahat ng ito sa atin?’ Sabihin mo sa kanila, ‘Dahil itinakwil ninyo ang Panginoon at naglingkod kayo sa ibang mga dios sa sarili ninyong lupain. Kaya ngayon, maglilingkod kayo sa mga dayuhan sa lupaing hindi inyo.’
20 “Sabihin nʼyo ito sa mga mamamayan ng Israel at Juda.
21 Pakinggan nʼyo ito, kayong mga hangal at matitigas ang ulo. May mga mata kayo, pero hindi makakita, may mga tainga pero hindi makarinig.
22 Ako, ang Panginoon ay nagsasabi: Wala ba kayong takot sa akin? Bakit hindi kayo nanginginig sa harapan ko? Ako ang gumawa ng buhangin sa tabing-dagat para maging hangganan ng dagat. Itoʼy hangganan na hindi maaapawan. Hahampasin ito ng mga alon pero hindi nila maaapawan.
23 Pero matitigas ang ulo at rebelde ang mga taong ito. Kinalimutan at nilayuan nila ako.
24 Hindi sila nagsasalita ng mula sa puso na, ‘Parangalan natin ang Panginoon na ating Dios na nagbibigay ng ulan sa tamang panahon at nagbibigay sa atin ng ani sa panahon ng anihan.’
25 Ang kasamaan nʼyo ang naglayo ng mga bagay na iyon sa inyo. Ang mga kasalanan nʼyo ang naging hadlang sa pagtanggap nʼyo ng mga pagpapalang ito.