25 “Kalaban kita, O Babilonia, ikaw na tinaguriang Bundok na Mapangwasak! Winasak mo ang buong mundo. Gagamitin ko ang kapangyarihan ko para wasakin at sunugin ka.
26 Walang anumang batong makukuha sa iyo para gamitin sa pagtatayo ng bahay. Magiging malungkot ang kalagayan mo magpakailanman. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
27 “Itaas ang watawat na tanda ng pagsalakay! Patunugin ang trumpeta sa mga bansa! Ihanda sila para salakayin ang Babilonia. Utusang sumalakay ang mga sundalo ng Ararat, Mini at Ashkenaz. Pumili kayo ng pinuno para salakayin ang Babilonia. Magpadala kayo ng mga kabayong kasindami ng mga balang.
28 Paghandain mo ang mga hari ng Media, pati ang mga pinuno at mga tagapamahala nila, at ang lahat ng bansa na nasasakupan nila para salakayin ang Babilonia.
29 “Parang taong nanginginig at namimilipit sa sakit ang Babilonia, dahil isasagawa ng Panginoon ang kanyang plano laban dito, na wala nang maninirahan at magiging mapanglaw na ang lugar na ito.
30 Titigil ang mga sundalo ng Babilonia sa pakikipaglaban at mananatili na lang sila sa kanilang kampo. Manghihina sila na parang mahihinang babae. Masusunog ang mga bahay sa Babilonia at masisira ang mga pintuan.
31 Sunud-sunod na darating ang mga tagapagbalita para sabihin sa hari ng Babilonia na ang buong lungsod ay nasakop na.