15 Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
16 Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’
17 Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’
18 “Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila.
19 Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko.
20 Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin.
21 Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”