18 Ang mga kabataan ay nangangahoy, ang mga ama ay nagpapaningas ng apoy, ang mga babae ay nagmamasa ng harina para gawing tinapay para sa Reyna ng Langit. Naghahandog din sila ng mga inumin sa ibang mga dios para galitin ako.
19 Pero ako nga ba ang sinasaktan nila? Hindi! Ang sarili nila ang sinasaktan at inilalagay nila sa kahihiyan.
20 Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi, ‘Ipapadama ko sa lugar na ito ang matinding galit ko – sa mga tao, mga hayop, mga puno, at mga halaman. Ang galit koʼy parang apoy na hindi mapapatay ng kahit sino.’
21 “Sige, kunin na lang ninyo ang inyong mga handog na sinusunog at iba pang mga handog, at kainin na lang ninyo ang karne. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.
22 Nang ilabas ko sa Egipto ang mga ninuno nʼyo, hindi ko lang sila inutusan na mag-alay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog,
23 inutusan ko rin sila ng ganito: ‘Sundin ninyo ako, at akoʼy magiging Dios nʼyo at kayoʼy magiging mga mamamayan ko. Mamuhay kayo sa paraang iniutos ko sa inyo para maging mabuti ang kalagayan ninyo.’
24 “Pero hindi nila sinunod o pinansin man lang ang mga sinabi ko sa kanila. Sa halip, sinunod nila ang nais ng matitigas at masasama nilang puso. At sa halip na lumapit sa akin, lalo pa silang lumayo.