2 “Tumayo ka sa pintuan ng templo ko at sabihin mo ito sa mga mamamayan ko: ‘Makinig kayo, kayong mga taga-Juda na pumapasok dito para sumamba sa Panginoon.
3 Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel: Baguhin na ninyo ang inyong pag-uugali at pamumuhay, para patuloy ko kayong patirahin sa lupaing ito.
4 Huwag kayong palilinlang sa mga taong paulit-ulit na sinasabing walang panganib na mangyayari sa inyo dahil nasa atin ang templo ng Panginoon.
5 “ ‘Baguhin na ninyo ng lubusan ang inyong pag-uugali at pamumuhay. Tratuhin ninyo ng tama ang inyong kapwa,
6 at huwag na ninyong apihin ang mga dayuhan, ulila, at mga biyuda. Huwag ninyong papatayin ang mga walang kasalanan, at huwag kayong sumamba sa ibang mga dios na siyang magpapahamak sa inyo.
7 Kapag ginawa nʼyo ito, patuloy ko kayong patitirahin sa lupaing ito na ibinigay ko sa mga magulang nʼyo magpakailanman.
8 “ ‘Pero tingnan ninyo kung ano ang inyong ginagawa! Naniniwala kayo sa mga kasinungalingan na walang kabuluhan.