6 Mapupuno ng balang ang iyong palasyo at ang mga bahay ng mga opisyal at mga mamamayan mo. Wala pang ganitong pangyayari sa kasaysayan ng Egipto mula nang dumating ang inyong mga ninuno hanggang ngayon.’ ” Nang masabi ito ni Moises, umalis na siya.
7 Sinabi ng mga opisyal ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan nʼyo pa ba hahayaan ang kalamidad na ito na magparusa sa atin? Paalisin nʼyo na po ang mga Israelita, para makasamba na sila sa Panginoon na kanilang Dios. Hindi nʼyo ba naiisip na nasalanta na ang Egipto?”
8 Kaya pinabalik sina Moises at Aaron sa Faraon. Sinabi ng Faraon sa kanila, “Maaari na kayong umalis para makasamba kayo sa Panginoon na inyong Dios. Pero sabihin nʼyo sa akin kung sino ang isasama ninyo sa pag-alis.”
9 Sumagot si Moises, “Aalis kaming lahat, bata at matanda. Dadalhin namin ang aming mga anak at mga hayop, dahil lahat kami ay magdaraos ng pista para sa Panginoon.”
10 Sinabi ng Faraon nang may pang-iinsulto, “Sanaʼy samahan kayo ng Panginoon kung palalakarin ko kayo at ang pamilya ninyo! Malinaw na masama ang intensyon ninyo dahil tatakas kayo.
11 Hindi ako papayag! Ang mga lalaki lang ang aalis para sumamba sa Panginoon kung iyan ang gusto ninyo.” At pinalayas sina Moises at Aaron sa harapan ng Faraon.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Itaas mo ang iyong baston sa Egipto para dumating ang mga balang, at kainin ng mga ito ang mga naiwang pananim na hindi nasira nang umulan ng yelo.”