1 Nabalitaan ni Jetro, na pari ng Midian at biyenan ni Moises, ang lahat ng ginawa ng Dios kay Moises at sa mga mamamayan niyang Israelita. Nabalitaan niya kung paanong inilabas ng Panginoon ang mga Israelita sa Egipto.
2-3 Pinauwi noon ni Moises kay Jetro na kanyang biyenan ang asawa niyang si Zipora at ang dalawang anak nilang lalaki. Ang pangalan ng panganay ay Gershom, dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Dayuhan ako sa ibang lupain.”
4 Ang pangalan ng pangalawa ay Eliezer, dahil nang ipinanganak siya, sinabi ni Moises, “Ang Dios ng aking ama ang tumutulong sa akin. Iniligtas niya ako sa espada ng Faraon.”
5 Ngayon, pumunta sila Jetro, ang asawa ni Moises at ang dalawa nilang anak sa pinagkakampuhan ni Moises sa ilang, malapit sa bundok ng Dios.
6 Nagpasabi na si Jetro kay Moises na darating siya kasama si Zipora at ang dalawa nilang anak.
7 Kaya sinalubong ni Moises ang kanyang biyenan, at yumukod siya at humalik sa kanya bilang paggalang. Nagkamustahan sila at pagkatapos, pumasok sa tolda.
8 Sinabi ni Moises kay Jetro ang lahat ng ginawa ng Panginoon sa Faraon at sa mga Egipcio para sa mga Israelita. Sinabi rin niya ang lahat ng paghihirap na naranasan nila sa paglalakbay at kung paano sila iniligtas ng Panginoon.
9 Tuwang-tuwa si Jetro sa lahat ng kabutihang ginawa ng Panginoon sa mga Israelita nang iligtas niya sila sa kamay ng mga Egipcio.
10 Sinabi ni Jetro, “Purihin ang Panginoon na nagligtas sa inyo sa kamay ng mga Egipcio at ng Faraon.
11 Nalalaman ko ngayon na mas makapangyarihan ang Panginoon sa lahat ng dios, dahil iniligtas niya ang mga Israelita sa mga Egipciong nagmamaltrato sa kanila.”
12 Pagkatapos, nag-alay si Jetro ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa Dios. At habang ginagawa niya ito, dumating si Aaron at ang lahat ng tagapamahala ng Israel. Sumama sila kay Jetro para kumain sa presensya ng Dios.
13 Kinaumagahan, naupo si Moises bilang hukom para dinggin ang mga kaso ng mga tao. Nakapila ang mga tao sa harapan niya mula umaga hanggang gabi.
14 Nang makita ito ni Jetro, sinabi niya kay Moises, “Bakit ginagawa mo ito para sa mga tao? At bakit mag-isa mo itong ginagawa? Pumipila sa iyo ang mga tao mula umaga hanggang gabi.”
15 Sumagot si Moises, “Ginagawa ko po ito dahil lumalapit ang mga tao sa akin para malaman ang kalooban ng Dios.
16 Kung may pagtatalo ang mga tao, dinadala nila ito sa akin, at ako ang nagdedesisyon kung sino sa kanila ang tama. At tinuturuan ko sila ng mga tuntunin at utos ng Dios.”
17 Sinabi ni Jetro, “Hindi tama ang pamamaraan mong ito.
18 Pinapahirapan mo lang ang sarili mo at ang mga taong ito. Napakahirap nito kung ikaw lang.
19 Makinig ka sa akin at papayuhan kita, at sanaʼy samahan ka ng Dios. Ipagpatuloy mo ang ginagawa mong paglapit sa Dios para sa mga tao. Dalhin mo ang mga kaso nila sa kanya.
20 Ipagpatuloy mo rin ang pagtuturo mo sa kanila ng mga tuntunin at utos ng Dios. Turuan mo sila kung paano mamuhay at kung ano ang gagawin nila.
21 Pero pumili ka ng mga taong tutulong sa iyo. Dapat mayroon silang kakayahan sa paghuhukom, may takot sa Dios, mapagkakatiwalaan, at hindi tumatanggap ng suhol. Gawin mo silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao.
22 Maglilingkod sila bilang mga hukom sa lahat ng oras. Sila ang magpapasya sa simpleng mga kaso, pero dadalhin nila sa iyo ang mabibigat na kaso. Sa ganitong paraan, mapapagaan ang trabaho mo dahil matutulungan ka nila.
23 Alam kong ito ang gusto ng Dios na gawin mo, at kung susundin mo ito, hindi ka na mahihirapan. At makakauwi ang mga taong ito nang mapayapa.”
24 Sinunod ni Moises ang ipinayo sa kanya ng kanyang biyenan.
25 Pumili siya sa mga Israelita ng mga taong may kakayahan sa paghuhukom, at ginawa niya silang mga hukom ng grupo na binubuo ng 1,000, 100, 50 at 10 tao.
26 Naglingkod sila bilang mga palagiang hukom ng mga tao. Sila ang nagpapasya sa mga simpleng kaso, pero kapag mabigat, dinadala nila ito kay Moises.
27 Pagkatapos noon, pinayagan ni Moises ang kanyang biyenan na umuwi at bumalik sa sariling bayan.