1 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Umakyat ka rito sa akin at isama mo sina Aaron, Nadab, Abihu at ang 70 tagapamahala ng Israel. Sa malayo mo sila pasambahin sa akin.
2 Ikaw lang, Moises, ang makakalapit sa akin, ang ibaʼy hindi na maaaring makalapit sa akin. Hindi dapat umakyat dito ang mga tao kasama mo.”
3 Nang sinabi ni Moises sa mga tao ang lahat ng itinuro at iniutos ng Panginoon, sabay-sabay silang sumagot, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon.”
4 At isinulat ni Moises ang lahat ng sinabi ng Panginoon.Kinaumagahan, bumangon si Moises at nagpatayo ng altar sa may paanan ng bundok, at naglagay siya ng 12 haliging bato na kumakatawan sa 12 lahi ng Israel.
5 Pagkatapos, inutusan niya ang mga kabataang lalaki na mag-alay sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mag-alay din ng mga toro bilang handog para sa mabuting relasyon sa Panginoon.
6 Kinuha ni Moises ang kalahati ng dugo at inilagay ito sa mga mangkok at iwinisik sa altar ang kalahati.
7 Kinuha rin niya ang Aklat ng Kasunduan at binasa ito sa mga tao. At sumagot ang mga tao, “Susundin namin ang lahat ng sinabi ng Panginoon. Susundin namin siya.”
8 Pagkatapos, kinuha niya ang dugo sa mga mangkok at iwinisik ito sa mga tao, at sinabi, “Ito ang dugo na nagpapatibay sa kasunduan na ginawa ng Panginoon sa inyo nang ibigay niya ang mga utos na ito.”
9 Pumunta paakyat sa bundok sina Moises, Aaron, Nadab, Abihu at 70 tagapamahala ng Israel,
10 at nakita nila ang Dios ng Israel. Sa paanan niya ay may parang daan na gawa sa batong safiro na kasinglinaw ng langit.
11 Kahit nakita na ng mga pinuno ang Dios, hindi sila pinatay ng Dios. Kumain pa sila at uminom doon sa kanyang presensya.
12 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pumunta ka rito sa akin sa itaas ng bundok at maghintay, dahil ibibigay ko sa iyo ang malalapad na batong sinulatan ko ng mga kautusan at batas ko para ituro sa mga tao.”
13 Kaya umakyat si Moises sa bundok kasama ang lingkod niyang si Josue.
14 Bago sila umakyat, sinabi ni Moises sa mga tagapamahala ng Israel, “Hintayin nʼyo kami rito hanggang sa makabalik kami. Maiiwan dito sina Aaron at Hur, at kung may problema kayo, lumapit lang kayo sa kanila.”
15 Pagdating ni Moises sa itaas ng bundok, natakpan ng ulap ang bundok.
16 At bumaba ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa Bundok ng Sinai. At sa loob ng anim na araw, natakpan ng ulap ang bundok. Sa ikapitong araw, tinawag ng Panginoon si Moises mula sa ulap.
17-18 Kaya pumasok si Moises sa ulap habang papaakyat pa siya sa bundok. Nagpaiwan siya roon sa loob ng 40 araw at 40 gabi. Para sa mga Israelitang nasa ibaba, parang apoy na naglalagablab ang makapangyarihang presensya ng Panginoon sa tuktok ng bundok.