1 Nagtanong si Moises, “Paano po kung hindi maniwala sa akin ang mga Israelita o makinig sa sasabihin ko? Baka sabihin nila na hindi kayo nagpakita sa akin.”
2 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang hawak mo?”Sumagot si Moises, “Baston po.”
3 Sinabi ng Panginoon, “Ihagis mo sa lupa.”Kaya inihagis ni Moises ang baston at naging ahas ito. Natakot si Moises, kaya napatakbo siya.
4 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hulihin mo ito sa buntot.” Kaya hinuli ito ni Moises at muling naging baston.
5 Sinabi ng Panginoon, “Gawin mo ang himalang ito para maniwala sila na ako ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa iyo.”
6 Sinabi pa ng Panginoon, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat.
7 Sinabi ng Panginoon, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan.
8 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila.
9 Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.”
10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”
11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon?
12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”
13 Pero sinabi ni Moises, “O Panginoon, kung maaari po magpadala na lang kayo ng iba.”
14 Nagalit nang matindi ang Panginoon kay Moises. Kaya sinabi niya, “O sige, si Aaron na lang na kapatid mo, na isang Levita ang siyang magsasalita para sa iyo. Alam kong mahusay siyang magsalita. Papunta na siya rito para makipagkita sa iyo. Matutuwa siyang makita ka.
15 Kausapin mo siya at turuan kung ano ang kanyang sasabihin. Tutulungan ko kayong dalawa sa pagsasalita, at tuturuan ko rin kayo kung ano ang gagawin ninyo.
16 Si Aaron ang magsasalita sa mga tao para sa iyo. Turuan mo siya ng mga sasabihin niya na parang ikaw ang Dios.
17 Dalhin mo ang baston mo para sa pamamagitan nito ay makagawa ka ng mga himala.”
18 Bumalik si Moises sa biyenan niyang si Jetro at sinabi sa kanya, “Payagan po ninyo akong bumalik sa mga kababayan ko sa Egipto para tingnan kung buhay pa sila.”Sinabi ni Jetro, “Sige, maging maayos sana ang paglalakbay mo.”
19 Bago umalis si Moises sa Midian, sinabi sa kanya ng Panginoon, “Bumalik ka na sa Egipto. Patay na ang mga gustong pumatay sa iyo.”
20 Kaya kinuha ni Moises ang asawa niya at mga anak na lalaki, at pinasakay sa asno at bumalik sa Egipto. Dinala rin niya ang baston na ipinapadala sa kanya ng Panginoon.
21 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Pagdating mo sa Egipto, gawin mo sa harapan ng Faraon ang lahat ng himalang ipinapagawa ko sa iyo. Binigyan kita ng kapangyarihang gawin iyan. Pero patitigasin ko ang puso ng hari para hindi niya payagang umalis ang mga Israelita.
22 Pagkatapos, sabihin mo sa kanya, ‘Sinabi ng Panginoon na: Itinuturing ko ang Israel na panganay kong anak na lalaki,
23 kaya iniuutos ko sa iyo na payagan mo silang umalis para makasamba sa akin, pero hindi ka pumayag. Kaya papatayin ko ang panganay mong na anak na lalaki!’ ”
24 Nang naglalakbay na sina Moises at ang kanyang pamilya, nagpahinga sila sa isang bahay-pahingahan. Pinuntahan ng Panginoon si Moises at pinagtangkaang patayin.
25-26 Pero kumuha si Zipora ng matalim na bato at tinuli ang kanyang anak, at ang nakuha niyang balat ay idinikit niya sa paa ni Moises. At sinabi ni Zipora, “Ikaw ang duguang asawa ko.” (Ang ibig sabihin ni Zipora ay may kaugnayan sa pagtutuli.) Kaya hindi pinatay ng Panginoon si Moises.
27 Samantala, sinabi ng Panginoon kay Aaron, “Lumakad ka at salubungin si Moises sa disyerto.” Kaya sinalubong niya si Moises sa Bundok ng Dios at hinagkan bilang pagbati.
28 Sinabi ni Moises kay Aaron ang lahat ng iniutos ng Panginoon na sabihin niya, at ang lahat ng himalang iniutos ng Panginoon na gawin niya.
29 Kaya lumakad ang dalawa, at tinipon ang lahat ng tagapamahala ng Israel.
30 Sinabi sa kanila ni Aaron ang lahat ng sinabi ng Panginoon kay Moises. At ginawa ni Moises ang mga himala sa harap ng mga tao,
31 at naniwala sila. Nang malaman nilang nagmamalasakit ang Panginoon sa kanila at nakikita niya ang mga paghihirap nila, lumuhod sila at sumamba sa Panginoon.