1 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Padadalhan ko ng isa pang salot ang Faraon at ang Egipto. Pagkatapos nito, paaalisin na niya kayo. Itataboy pa niya kayo dahil gusto niyang makaalis agad kayo.
2 Sabihin mo sa mga Israelita, lalaki man o babae, na humingi sila ng mga alahas na pilak at ginto sa mga kapitbahay nila na Egipcio.”
3 (Niloob ng Panginoon na maging mabait ang mga Egipcio sa mga Israelita. At iginalang si Moises ng mga opisyal ng Faraon at ng mga mamamayan ng Egipto.)
4 Kaya sinabi ni Moises sa Faraon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: ‘Dadaan ako sa Egipto mga bandang hatinggabi,
5 at mamamatay ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, mula sa panganay ng Faraon na papalit sa kanyang trono, hanggang sa panganay ng pinakamababang aliping babae. Mamamatay din ang lahat ng panganay ng mga hayop.
6 Maririnig ang matinding iyakan sa buong Egipto na hindi pa nangyayari kailanman at hindi na mangyayari pang muli.
7 Pero magiging tahimik ang mga Israelita; kahit tahol ng asoʼy walang maririnig.’ Sa pamamagitan nito, malalaman ninyo na iba ang pagtrato ng Panginoon sa mga Israelita at sa mga Egipcio.
8 Lahat ng iyong mga opisyal ay lalapit sa akin na nakayuko at magsasabi, ‘Umalis ka na at isama mo ang mga mamamayang sumusunod sa iyo!’ Pagkatapos nito, aalis na ako.” At umalis si Moises sa harapan ng galit na galit na Faraon.
9 Sinabi noon ng Panginoon kay Moises, “Hindi maniniwala ang Faraon sa iyo, para marami pang himala ang magawa ko sa Egipto.”
10 Ginawa nila Moises at Aaron ang mga himalang ito sa harap ng Faraon, pero pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon, at hindi pinayagan ng Faraon na umalis ang mga Israelita sa kanyang bansa.