1 Sinabi ng Panginoon kay Moises,
2 “Itayo mo ang Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan sa unang araw ng unang buwan.
3 Ilagay mo sa loob ang Kahon ng Kasunduan, at tabingan mo ito ng kurtina.
4 Ipasok mo ang mesa sa Tolda at ayusin mo ang mga kagamitan nito. Ipasok mo rin ang mga lalagyan ng ilaw at ilagay ang mga ilaw nito.
5 Ilagay mo ang mga gintong altar na pagsusunugan ng insenso sa harap ng Kahon ng Kasunduan, at ikabit ang kurtina sa pintuan ng Tolda.
6 “Ilagay mo ang altar na pagsusunugan ng mga handog sa harapan ng pintuan ng Toldang Sambahan na tinatawag ding Toldang Tipanan.
7 Ang planggana ay ilagay sa pagitan ng Tolda at ng altar, at lagyan ito ng tubig.
8 Ilagay ang mga kurtina sa bakuran ng Tolda, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran.
9 “Pagkatapos, kunin mo ang langis at wisikan ang Tolda at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging banal ito.
10 Wisikan mo rin ang altar na pagsusunugan ng mga handog at ang lahat ng kagamitan nito bilang pagtatalaga nito sa akin, at magiging pinakabanal ito.
11 Wisikan mo rin ang planggana at ang patungan nito bilang pagtatalaga nito sa akin.
12 “Dalhin mo si Aaron at ang mga anak niyang lalaki sa pintuan ng Toldang Tipanan at paliguin mo sila roon.
13 Ipasuot mo kay Aaron ang banal na mga damit at italaga siya sa akin sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis para makapaglingkod siya sa akin bilang pari.
14 Dalhin mo rin ang mga anak niya at ipasuot ang damit-panloob nila.
15 Pahiran mo rin sila ng langis gaya ng ginawa mo sa kanilang ama, para makapaglingkod din sila sa akin bilang mga pari sa lahat ng susunod pang mga henerasyon.”
16 Ginawa ni Moises ang lahat ng iniutos sa kanya ng Panginoon.
17 Kaya itinayo ang Toldang Sambahan noong unang araw ng unang buwan. Ikalawang taon iyon nang paglabas nila ng Egipto.
18 Ganito itinayo ni Moises ang Tolda: Inilagay niya ang mga pundasyon, balangkas, biga, at haligi.
19 Inilatag niya ang Tolda at pinatungan niya ng pantaklob. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
20 Pagkatapos, ipinasok niya sa Kahon ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios, at isinuksok niya sa argolya ng Kahon ang mga tukod na pambuhat, at tinakpan ito.
21 Ipinasok niya ang Kahon sa loob ng Toldang Sambahan, at isinabit ang kurtina para matakpan ang Kahon ng Kasunduan ayon sa iniutos ng Panginoon.
22 Inilagay niya ang mesa sa loob ng Tolda, sa bandang hilaga, sa labas ng kurtina.
23 At inilagay niya sa mesa ang tinapay na inihahandog sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
24 Inilagay din niya ang lalagyan ng ilaw sa loob ng Tolda, sa harapan ng mesa, sa bandang timog.
25 At inilagay niya ang mga ilaw nito sa presensya ng Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
26 Inilagay din niya ang gintong altar sa loob ng Tolda, sa harapan ng kurtina,
27 at nagsunog siya ng mabangong insenso sa altar. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon.
28 Ikinabit din niya ang kurtina sa pintuan ng Tolda,
29 at inilagay niya malapit sa pintuan ang altar na pinagsusunugan ng mga handog. Pagkatapos, nag-alay siya sa altar na ito ng mga handog na sinusunog at mga handog bilang pagpaparangal sa Panginoon. Ginawa niyang lahat ito ayon sa iniutos sa kanya ng Panginoon.
30 Inilagay din niya ang planggana sa pagitan ng Tolda at ng altar. Nilagyan niya ito ng tubig para paghugasan.
31 At naghugas sina Moises, Aaron at ang mga anak niyang lalaki ng mga kamay at paa nila.
32 Maghuhugas sila kapag pumapasok sa Tolda o kapag lalapit sila sa altar. Ginawa nilang lahat ito ayon sa iniutos ng Panginoon kay Moises.
33 Pagkatapos, inilagay ni Moises ang mga kurtina ng bakuran, na nakapaligid sa Tolda at altar, pati ang kurtina sa pintuan ng bakuran. At natapos ni Moises ang lahat ng gawain niya.
34 Pagkatapos ng lahat ng ito, binalot ang Toldang Tipanan ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyo ng isang ulap.
35 Hindi makapasok si Moises sa Tolda dahil nababalot ito ng makapangyarihang presensya ng Panginoon na nasa anyong ulap.
36 Kapag pumaitaas ang ulap mula sa Tolda at umalis, umaalis din ang mga Israelita sa pinagkakampuhan nila.
37 Pero kung hindi, hindi rin sila umaalis.
38 Ang ulap na sumisimbolo sa presensya ng Panginoon ay nasa itaas ng Tolda kapag araw, at nag-aapoy naman ito kapag gabi para makita ng lahat ng Israelita habang naglalakbay sila.