1 Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang mga mamamayan ko, para makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”
2 Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon para makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”
3 Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Dios ng mga Israelita. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa ilang para makapaghandog kami sa Panginoon naming Dios, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”
4 Pero sinabi ng hari ng Egipto, “Bakit ninyo patitigilin sa pagtatrabaho ang mga tao? Bumalik na kayo sa trabaho!
5 Tingnan ninyo kung gaano kadami ang mga taong patitigilin ninyo sa pagtatrabaho.”
6 Nang araw na iyon, nag-utos ang Faraon sa mga Egipciong namamahala sa mga Israelita sa trabaho at sa mga kapatas na Israelita. Sinabi niya,
7 “Hindi na kayo magbibigay sa mga trabahador ng mga dayaming gagamitin sa paggawa ng tisa, kundi sila na mismo ang maghahanap nito.
8 Pero kailangang ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin nila. Mga tamad sila, iyan ang dahilan na nakikiusap silang paalisin ko sila para makapaghandog sa kanilang Dios.
9 Pagtrabahuhin pa ninyo sila nang matindi para lalo silang maging abala at mawalan ng panahong makinig sa mga kasinungalingan.”
10 Kaya pinuntahan nila ang mga Israelita at sinabi, “Nag-utos ang Faraon na hindi na namin kayo bibigyan ng dayami.
11 Kayo na ang maghahanap nito kahit saan, pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”
12 Kaya kumalat ang mga Israelita sa buong Egipto sa pangunguha ng dayami.
13 Pinagmamadali sila ng mga namamahala sa kanila at sinasabi, “Dapat ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo bawat araw, kagaya ng ginagawa ninyo noong binibigyan pa kayo ng dayami.”
14 Pagkatapos, hinagupit nila ang mga kapatas na Israelita at tinanong, “Bakit hindi ninyo nagawa kahapon at ngayon ang dating bilang ng mga tisang ipinapagawa sa inyo, kagaya ng ginagawa ninyo noon?”
15 Kaya pumunta ang mga kapatas sa Faraon at nagreklamo, “Bakit ganito ang trato nʼyo sa amin na inyong mga lingkod?
16 Hindi kami binibigyan ng dayami, pero pinipilit kaming gumawa ng ganoon pa rin kadaming tisa. Binubugbog pa kami, gayong ang mga tauhan ninyo ang mali!”
17 Sinabi ng Faraon, “Napakatatamad ninyo! Iyan ang dahilan kung bakit nakikiusap kayong paalisin ko kayo para makapaghandog kayo sa Panginoon.
18 Bumalik na kayo sa mga trabaho nʼyo! Hindi kayo bibigyan ng dayami pero ganoon pa rin kadaming tisa ang gagawin ninyo.”
19 Dahil sa ipinilit ng Faraon na gawin nila ang dami ng tisang ipinapagawa sa kanila araw-araw. Napag-isip-isip ng mga kapatas na Israelita na mahihirapan sila.
20 Pagkagaling nila sa Faraon, nakita nila sina Moises at Aaron na naghihintay sa kanila.
21 Sinabi nila kina Moises at Aaron, “Parusahan sana kayo ng Panginoon. Dahil sa inyo nagalit sa amin ang Faraon at ang mga tauhan niya. Magiging dahilan nila ang ginawa ninyo para patayin kami.”
22 Bumalik si Moises sa Panginoon at nanalangin, “O Panginoon, bakit nʼyo po pinahihirapan ang inyong mga mamamayan? Bakit pa ninyo ako isinugo sa kanila?
23 Mula nang sinabi ko sa Faraon ang mensahe ninyo, lalo pa niyang pinagmalupitan ang inyong mga mamamayan, at hindi nʼyo man lang sila iniligtas.”